Daughters of Saint Paul

ENERO 4, 2022 – MARTES Santa Elisabet Ana Seton

Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo!  Dakilain natin ang Panginoong Mahabagin na nakakikita at nakadarama ng mga pinagdadaanan natin.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang pahayag ng Panginoong Hesus sa mga alagad at sa atin din na: “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain,” sa Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata anim, talata tatlumpu’t apat hanggang apatnapu’t apat.

EBANGHELYO: Mk 6:34-44

Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal. Nang humahapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras.”Paalisin mo sila nang makapunta sila sa mga nayon at bukid sa paligid at makabili ng kani-kanilang makakain.” Ngunit sumagot si Jesus sa kanila: “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.”  Sinabi naman nila: “At kami pa pala ang bibili ng tinapay-dalawan-daang denaryo, di ba? At bibigyan namin sila.“Ngunit sinabi niya: “Ilang tinapay meron kayo? Sige, tingnan ninyo.“At pagkatingin nila ay kanilang sinabi: “Lima at may dalawa pang isda.” Kaya iniutos niya sa kanila na paupuin nang grupu-grupo ang makapal na tao sa berdeng damuhan.  At naupo silang grupu-grupo, tigsasandaan at tiglilimampu.  Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibigay sa kanyang mga alagad para ibigay din nila sa mga tao. Gayundin niya ang dalawang isda.At kumain silang lahat at nabusog, at tinipon nila ang mga natirang pira-piraso- labindalawang punong basket ag mga piraso ng tinapay pati na ang mga piraso ng isda.  Mga limanlibong lalaki ang napakain.

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Masakit isipin na nasanay na tayo sa pagdurusa—sa pagdurusa ng iba. Sinasabi natin sa ating mga sarili sa tuwing nakakakita tayo ng mga nagdurusa: “Wala naman akong pakialam sa buhay nila” o “At least maayos ang pamumuhay ko.” Mga salita ng kawalang-pakialam sa kapwa.  Hindi lamang ang poot sa ating mga kaaway ang naglalayo sa atin sa Diyos. Dahil ipinakita sa atin ni Hesus na ang tunay na pag-ibig ay sinasamahan ng awa at malasakit, nalalayo din tayo sa Diyos sa tuwing pikit-mata tayo sa mga pagdurusa ng iba. Pag-ibig na may awa at malasakit ang tunay na maka-Kristiyanong pakikipagkapwa-tao. Mga kapatid,hindi lamang pagkain ang kinakailangan ng bawa’t isa sa atin. Bilang mga magkakapatid sa mata ng Diyos, may responsibilidad din tayong tumayo upang pangalagaan ang kapakanan ng iba—sa tuwing sila ay tinatapakan ang dignidad at inaagawan ng kalayaan. Sinong tao ba ang matitiis ang sariling kapatid na nagdurusa?  

PANALANGIN

Ama naming maawain, tulutan mong dumaloy ang iyong awa at malasakit sa aming pagkatao sa pamamagitan ng Espiritu ng iyong Anak na si Hesus na siyang nagturo sa amin ng tunay na pag-ibig. Amen.