Daughters of Saint Paul

ENERO 4, 2024 – Huwebes bago mag-epifania | Santa Elisabet Ana Seton, relihiyosa

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes mga minamahal kong kapatid kay Kristo.  Dakilain natin ang Panginoon sa biyayang masilayan muli ang ganda ng panibagong araw, na punong-puno ng Kanyang pagpapala at pag-asa.  Ikaapat ngayon ng Enero, ginugunita natin si Santa Elisabet Ana Seton.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating lumago tayo sa pagsabuhay ng ating pananampalataya.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Maririnig natin ang pagtanong ni Hesus sa dalawang alagad ni Juan, kung ano ang hinahanap nila? Sa Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata isa, talata tatlumpu’t lima hanggang apatnapu’t dalawa.

EBANGHELYO: Jn 1:35-42 

Naroon [sa Betaraba, sa kabilang ibayo ng Jordan] si Juan at dalawa sa kanyang mga alagad.  Pagkakita niya kay Hesus na naglalakad, ito ang kanyang sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.”  At narinig ng dalawang alagad ang kanyang binigkas at sinundan nila si Hesus.  Lumingon si Hesus at nakita niya silang sumusunod sa kanya, at sinabi niya sa kanila: “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot naman sila sa kanya:  “Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka nakatira?”  At sinabi niya sa kanila: “Halikayo at makikita n’yo.”  At pumaroon sila at nakita nila kung saan siya tumutuloy, at maghapon silang nanuluyan sa kanya. Mag-iikaapat ng hapon ang oras noon.  Si Andres na kapatid ni Simon Pedro ay isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod sa kanya. Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya: “Natagpuan namin ang Mesiyas (na kung isasalin ay Pinahiran).”  Inihatid niya siya kay Hesus.  Pagkakita sa kanya ni Hesus, sinabi niya: “Si Simon ka na anak ni Juan.  Kefas ang itatawag sa iyo (na kung isasalin ay Pedro).”

PAGNINILAY

Isinulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa ating liturhiya, tuwing pumapasok tayo sa bagong taon, ang ating mga pagbasa ay tungkol sa pagpapala ng Diyos. Noong January 1, ang ganda pong alalahanin ang salmong tugunan na nagsasabing: “Nawa’y kahabagan tayo ng Diyos, at pagpalain kailanman…” Pero ano ba ang ibig sabihin ng pagpalain o pagpapala? Simple lamang po, ang ating pagiging laging bukas at tugon sa paggabay ng Diyos sa ating buhay. [Kaya nga’t sa lahat ng mabuting nagyayari, salamat sa Diyos! Kung mayroon mang mabibigat, salamat pa din sa Diyos, dahil alam nating nariyan siya’t (Emmanuel) gumagabay palagi.] // Sa ating Mabuting Balita napakagandang pakinggan ang mga unang salita ni Hesus sa Ebanghelyo ayon kay San Juan— “ano ba ang inyong hinahanap?” tumugon ang mga alagad, “Saan ho ba kayo nananahan?” sumagot si Hesus—” Halikayo’t inyong makikita.” Alam niyo po, nagtungo sila at sinamahan si Hesus, nang isang buong araw!   Mga kapatid, pagpapala, pagsunod, pagkilala. Ngayong bagong taon, sana patuloy tayong mamuhay bilang taong pinagpala ng Diyos.  [Ibig sabihin, mga taong ang hangad lagi ay Manahan kasama ang Diyos.] Pagsunod, ngayong taon sikapin nating sundan ang Panginoon. Pagkilala, sana wala na tayong iba pang sambahin at kilalanin kundi si Hesus.  Hindi naman perpekto si Pedro, bilang alagad at apostol ni Hesus, pero binigyan siya ng pangalan ni Hesus, Cephas, bato. Hindi batong maliit, batong sandigan at pundasyon. Ang ibig sabihin pa sa wikang ingles…reliable, stable, and resolute]. Isang patunay na kung patuloy tayong mananahan sa piling ng Diyos, higit na pagpapalain ka niya; kikilalanin ka niya bilang alagad at anak niyang natatangi sa Kanyang puso. Amen.