Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita | Enero 4, 2025 – Sabado

Ebanghelyo:  John 1:35-42

Naroon [sa Betaraba, sa kabilang ibayo ng Jordan si Juan at dalawa sa kanyang mga alagad.  Pagkakita niya kay Jesus na naglalakad, ito ang kanyang sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.”  At narinig ng dalawang alagad ang kanyang binigkas at sinundan nila si Jesus.  Lumingon si Jesus at nakita niya silang sumusunod sa kanya, at sinabi niya sa kanila: “Ano ang hinahanap ninyo?” “Rabbi, saan ka nakatira?”  “Halikayo at makikita ninyo.”  At pumaroon sila at nakita nila kung saan siya tumutuloy, at maghapon silang nanuluyan sa kanya. Mag-iikaapat ng hapon ang oras noon. Si Andres na kapatid ni Simon Pedro ay isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod sa kanya.  Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya: “Natagpuan namin ang Mesiyas.”  Inihatid niya siya kay Jesus.  Pagkakita sa kanya ni Jesus, sinabi niya: “Si Simon ka na anak ni Juan.  Kefas ang itatawag sa iyo.”

Pagninilay:

Kapanalig, kelan ka huling may nailapit kay Jesus? O baka naman ikaw ang nalalayo na kay Jesus? Narinig natin sa Mabuting Balitangayon na itinuro ni Juan Bautista si Jesus sa kanyang dalawang alagad. Agad sumunod kay Jesus ang dalawa. Isa sa dalawang ito si Andres, na kapatid ni Simon. Nang makilala niya si Jesus, una niyang hinahanap ang kapatid niyang si Simon at isinama kay Jesus. Magaling na vocation recruiter itong si Andres. Hindi naging sapat na siya lamang ang makakilala kay Jesus, inilapit rin niya ang kanyang kapatid.

Kung minsan, may mga taong gusto ring lumapit kay Jesus. Kaya lang, hindi nila alam kung papaano. Kaya mahalaga sa ating nakakikilala kay Jesus na akayin rin sila palapit sa Kanya. Noong nagdi-discern pa lamang ako ng aking bokasyon, pumasok ako minsan sa Paulines Media Center. Nilapitan ako ng isang madre at tinanong kung gusto kong magmadre. Darating daw kasi ang kanilang Vocation Directress at maaari akong makipag-usap sa kanya. Pinaunlakan ko ang kanyang paanyaya and the rest is history. Madre na ako ngayon. Kapatid/Kapanalig, baka may kakilala kang nais ding lumapit kay Jesus. Akayin sana natin ang isa’t isa palapit sa Kanya. Kwentuhan natin sila ng ating mga karanasan sa piling ni Jesus.

Kapanalig, anyayahan natin silang magsimba o bumisita sa adoration chapel. O kaya samahan nating magdasal ukol sa isang particular intention. Hindi lang sa Africa nangangailangan ng missionaries. Minsan nariyan lang pala sa paligid ang dapat nating ilapit kay Jesus. At minsan ang atin palang mission area ay ang ating sariling pamilya, opisina at mga kapitbahay. Kapanalig, ilan na ba ang nailapit mo kay Jesus? O baka naman ikaw ang dapat akayin palapit sa Kanya?