Daughters of Saint Paul

Enero 5, 2018 Biyernes bago mag-epifania / San Juan Neumann

JUAN 1:43-51

Gustong lumabas ni Jesus pa-Galilea at natagpuan niya si Felipe.  Sinabi sa kanya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin.”  Taga-Betsaida si Felipe na kababayan nina Andres at Pedro.  Natagpuan naman ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas ng mga Propeta, siya ang natagpuan namin si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang galing sa Nazaret?” Sagot ni Felipe: “Halika’t tingnan mo.” Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.  “Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang anak ng Diyos, ikaw ang hari ng Israel.”  Sumagot si Jesus: “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Jesus: “Talagang sinabi ko na sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga angel ng Diyos.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, kapansin-pansin ang agarang pagtugon ni Felipe sa pagtawag sa Kanya ni Jesus.  Hindi siya nag-alinlangan, katulad ni Natanael.  Kaya naman habang papalapit pa lang si Natanael kay Jesus, alam na ng Panginoon ang kanyang saloobin.  Patunay ito na batid ng Panginoon ang lahat-lahat sa atin – ang ating iniisip, saloobin, pagdududa at kawalan ng pananampalataya.  Banayad Siyang pumapasok sa ating buhay ayon sa ating pagkatao at antas ng ating pananampalataya.  Kung matatagpuan Niyang bukas tayo sa Kanyang paanyaya, buong pagmamahal Niyang ibubukas ang daan tungo sa malalim at matalik na pakikipag-ugnayan sa Kanya.  Mga kapanalig, magpahanggang ngayon, patuloy na tumatawag ang Diyos sa bawat isa sa atin na sumunod sa Kanya, anuman ang katayuan natin sa buhay at pamilyang pinanggalingan natin.  Pantay-pantay tayong lahat sa mata ng Diyos at hindi mahalaga kung ano man ang nakaraan natin.  Marahil mahirap paniwalaan na ang Panginoon natin walang kinikilingan o pagtangi sa Kanyang mga anak.  Pero ito ang totoo, lahat tayo mahalaga sa Kanya.  Ang bawat isa sa atin, natatangi, walang katulad, at may mahalagang tungkuling dapat gampanan dito sa mundo, maliit man o malaki.  Buksan natin ang ating puso sa tawag Niya at nawa’y maging handa tayong tumugon sa Panginoon.  Panginoon, salamat po sa walang-sawang paanyaya na sumunod Sa’yo.  Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya, nang makatugon ako nang buong pagtitiwala.  Amen.