Daughters of Saint Paul

ENERO 5, 2020 – ANG PAGPAPAKITA NG PANGINOON O EPIFANIA (DAKILANG KAPISTAHAN)

EBANGHELYO: MATEO 2:1-12

Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan.  Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng maga Judio?  Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.”Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem.  Ipinatawag niya kaagad ang bagong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas.At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapangkat ito ang isinulat ng Propeta: ‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.’Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata.  Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.”Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina.  Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira.At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ng aming madre na si Sr. Edith Ledda ang pagninilay sa Ebanghelyo. Tatlong hari at si Haring Herodes ang mga bida sa Ebanghelyong ating narinig. Ang mga hari ay sasamba at mag-aalay ng regalo sa sanggol na isinilang. Si Haring Herodes, nais makita ang sanggol upang ipapatay ito. Motibasyon o layunin ng pagkilos ang nais ipakita sa atin ng Ebanghelyo. Mga kapatid,sa ating buhay, may mga bagay na nag-uudyok sa atin na gumawa ng mabuti o masama. Ano ang ating motibasyon sa ating mga ginagawang desisyon sa buhay? Pansariling hangarin o hangarin para sa kabutihan ng iba at nakararami? Sa mga namumuno ng ating pamahalaan at simbahan, nakikita ba natin at nararamdaman ang katapatan nila sa tungkulin? Harinawa, harinawa.  

PANALANGIN:

Panginoon, turuan mo kaming paglingkuran ka ng may katapatan. Gabayan mo po ang mga naglilingkod sa aming simbahan at pamahalaan upang maging tapat at may banal na takot sa Iyo. Amen.