BAGONG UMAGA
Magandang-magandang Unang Biyernes ng Taong 2024. Ikalima ngayon ng Enero, ginugunita natin si San Juan Neumann. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating ma overcome ang ating mga biases sa ating pakikitungo sa kapwa. Matutunan nawa nating tingnan ang ating kapwa, at mga kaganapan sa ating buhay sa lente o mata ng Diyos. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang tila may pagdududang pahayag ni Natanael “May nagmumula bang mabuti sa Nazaret?” sa Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata isa, talata apatnapu’t tatlo hanggang Limampu’t isa.
EBANGHELYO: Juan 1:43-51
Gustong lumabas ni Hesus pa-Galilea at natagpuan niya si Felipe. Sinabi sa kanya ni Hesus: “ Sumunod ka sa akin.” Taga-Betsaida si Felipe na kababayan nina Andres at Perdo. Natagpuan naman ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas ng mga Propeta, siya ang natagpuan namin si Hesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang galing sa Nazaret?” Sagot ni Felipe: “Halika’t tingnan mo.” Nakita ni Hesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “ Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari. “Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Hesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang anak ng Diyos, ikaw ang hari ng Israel.” Sumagot si Hesus: “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Hesus: “Talagang sinabi ko na sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga angel ng Diyos.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Clemens Mallete ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Nazaret? May magaling bang bagay na manggagaling doon? Aminin man natin o hindi, ang ilan sa atin ay may mga biases o pagkiling sa ating pakikitungo sa kapwa. May mga pinapaboran tayo, meron din namang ayaw talaga natin sa isang tao. Kahit sinisikap nating maging pantay-pantay sa pakikitungo sa bawat isa, lalabas at lalabas pa rin ang pag uugali nating may pagkiling o pagtatangi sa iilan. Kapatid, kung meron man tayong mga pagkiling o biases, sa ating pakikitungo sa ating kapwa, sikapin nating huwag itong pairalin, upang huwag humantong sa pagkakawatak-watak at deskriminasyon laban sa iba. (Sinasabi nga sa sulat ni Santiago, “Mga kapatid ko, kong may pananampalataya kayo sa maluwalhati nating Panginoong Hesuskristo, huwag sana kayong magtatangi sa mga tao. Ang pagkiling o pagtatangi ay isang malubhang kasalanan. Hindi ito inaayunan ng Diyos. Tinuturuan din tayo ni Apostol Santiago, na ibigin natin ang ating kapwa gaya ng pag ibig natin sa ating sarili. Sinasabi din nya sa kanyang sulat: “kung nagtatangi-tangi kayo, nagkakasala kayo at nahatulan na, sa inyong paglabag sa batas”) Matuto nawa tayong tumingin sa iba, kung papaano sila tinitingnan ng Diyos. At tingnan ang mga pangyayari sa ating buhay, sa lente o paraan ng pagtingin ng Diyos. Umpisahan natin ito sa ating mga puso. Let us confess our sins of prejudice and biases. Hilingin natin ang tulong ng Diyos, na pagkalooban tayo ng Kanyang mata upang makita ang ating kapwa, gaya nang pagtingin Niya sa kanila. At gamitin nawa tayo ng Diyos upang tulungan ang ating kapwa na makipagkasundo sa isa’t isa, lalo’t higit, makipagkasundo sa Diyos. Amen.