Daughters of Saint Paul

Enero 6, 2017 BIYERNES Bago mag-Epifania / San Andres Bessette

Mk 1:7-11 

Ito ang sinabi ni Juan Bautista sa kanyang pangaral:  “Parating na kasunod ko ang gagawa nang higit pa sa akin.  Hiindi nga ako karapat-dapat na yumuko para magkalag ng tali ng kanyang panyapak.  Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.”

            Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret ng Galilea at bininyagan siya ni Juan sa Ilog Jordan.  At pagkaahon niya mula sa tubig, nakita niyang nahawi ang Langit at parang kalapating bumababa sa kanya ang Espiritu ng Diyos.  At narinig mula sa Langit:  “Ikaw ang Aking Anak, ang Minamahal, ikaw ang aking Hinirang.”

PAGNINILAY

Bakit nga ba nagpabinyag ang Panginoon? Una, dahil ito ang magiging susi sa pagpapakilala sa Kanya. Di nga ba nahawi ang Langit at tila kalapating bumaba sa Kanya ang Espiritu ng Diyos? At noon din ipinakilala na si Jesus ang Anak ng Diyos. Minarapat din Niyang magpabinyag para ipahiwatig, na simula na ng buo Niyang pagtatalaga ng sarili para tupdin ang ipinangako ng Ama sa pamamagitan ng mga propeta. Kailangan din Siyang mabinyagan dahil sa binyag naroon ang akto ng kamatayan sa pagbaba ng sarili sa tubig, paglibing tulad ng paglubog sa tubig at ang muling pagkabuhay tulad ng pag-ahon mula sa tubig. Tunay na kay hiwaga ng kahulugan ng pagbibinyag ng ating Panginoon. Sana sa mga naghihintay ng tugon kung ano ang dahilan ng pagpapabinyag Niya, ito sanang pagninilay natin ang magsilbing ilaw sa inyo. Ito rin sana ang magsilbing gabay sa pagkilala ng ating sarili bilang Kristiyano. Oo, totoo na sa ating pananampalataya, sa oras na mabinyagan tayo, nililinis tayo ng Banal na Espiritu ng ating Diyos Ama sa ngalan ng Kanyang Anak, sa pagtanggal ng minana nating kasalanan. Binibinyagan tayo sa pangalan na para sa ating magulang, napakahalaga ng kahulugan.  Maaaring Clarence dahil hiniling nila ang tulong ni Santa Clara. Maaari ring Carmen dahil ipinangalan ka sa ating ina ng Mt. Carmel. Maaari ring Jo-mari dahil pinagsama ang pangalan ng iyong mga magulang na si Jose at si Maria dahil bunga ka ng kanilang matamis na pagmamahalan. Pero ano man ang ngalan natin, nakaukit na sa palad ng ating Diyos Ama kung sino tayo sa Kanya at kung ano ang layunin Niya sa handog Niyang buhay sa atin. Tayo ngang lahat, nakatalaga na sa ating Ama.  At sa tulong ng ating Panginoong Jesus, pagsikapan natin nang buong dedikasyon na luwalhatiin Siya sa ating buhay ngayon hanggang sa wakas ng ating buhay.