Daughters of Saint Paul

ENERO 6, 2020 – LUNES PAGKARAAN NG EPIFANIA

EBANGHELYO: MATEO 4:12-17, 23-25

Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, Lumayo siya pa-Galilea.  Hindi rin siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali.Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano.Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman.  Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.” At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagumbuhay; lumapit na nga ang kaharian ng Langit.”Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea.  Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao.Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa kanya.  Kaya dinala sa kanya ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko, at pinagaling niya silang lahat. Sinundan siya ng maraming taong galing sa Galilea, sa Sampung Lunsod, sa Jerusalem, sa Judea at sa kabilang ibayo ng Jordan.

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, mahirap itago sa kadiliman ang liwanag.  Pilit itong nag-uumalpas upang sa katagalan, magsabog ng nakakasilaw na liwanag. Kung puno tayo ng liwanag na nagmumula sa Panginoon, makikita ito sa ating kilos at pananalita.  At maraming tao sa paligid natin ang matatanglawan nang taglay nating liwanag.  Ganito rin ang naging buhay ng Panginoong Jesus noong Siya’y narito pa sa mundong ibabaw. Hindi mapigilan ang kadakilaan ng Kanyang pagmamahal at kabutihan na siyang nagbigay daan upang ipalaganap Niya ang Mabuting Balita saan man Siya maparoon.  Binigyan Niya ng bagong buhay at pag-asa ang mga may sakit at mga nangangailangan ng Kanyang pagkalinga. Ito rin ang nagpapatuloy na hamon sa atin ngayon.  Na maging maningning na ilaw tayo sa gitna ng mundong namumuhay sa kadiliman at maghatid ng habag at malasakit ng Diyos sa napakaraming taong nagdurusa.  Hindi natin ito magagawa, kung hindi tayo lalapit sa Panginoon – na bukal ng liwanag at awa.  Hayaan nating puspusin Niya tayo ng liwanag  at awa na nagmumula sa Kanyang Banal na Salita, nang maisabuhay natin ito at maibahagi sa iba. 

PANALANGIN:

Panginoon, puspusin Mo po ng Iyong liwanag ang aking puso’t isipan, nang maging karapatdapat akong tagapaghatid ng liwanag at awa sa aking kapwa.  Amen.