t dalawa.
EBANGHELYO: Mk 6:45-52
Pinilit ni Jesus na sumakay ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkapaalis niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin. Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin. Kaya nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat, at waring lalampas sa kanila. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Nang nakasakay na siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya lalo pa silang namangha. Hindi nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi sarado ang kanilang isip.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Lulu Pechuela ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo. Nakatira ako sa isang condominium kung saan ang balkonahe ay nakaharap sa Manila Bay. Paborito kong lugar ito, at dito ako madalas na nagdadasal. Kung ako man siguro ang makakita nang taong naglalakad sa ibabaw ng dagat sa madilim na madaling-araw sa kasagsagan ng malakas na hangin at higanteng mga alon ay matatakot din ako. Naunawaan nang Panginoon ang takot at kalituhan nang kanyang mga alagad kaya Kanyang sinabi: “Lakasan ninyo ang inyong loob, ako ito; huwag kayong matakot.” Sumakay Siya sa bangka, at pagdaka’y humupa ang hangin. Ang presensiya Niya ay sapat na upang patahimikin ang nagngangalit na karagatan.// Mga kapatid, sa panahong ito, napakaraming kinatatakutan ang tao. Marami ang nawawalan ng pag-asa! Bilang isang ina, madalas ay natatakot ako para sa kaligtasan ng aking mga mahal sa buhay. Sa mga pagkakataong inaalihan ako nang takot, sa Panginoon ako kumakapit. Pinanghahawakan ko ang Kanyang sinabi: “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito, huwag kayong matakot.” Sa piling Niya, sa lilim ng Kanyang pagpapala at pag-aaruga, nananalig ako na papayapa ang unos ng buhay at liliwanag ang hinaharap.
PANALANGIN
Panginoon, sa sandaling nakakaramdam ako ng takot, palakasin mo po ang aking loob. At di man ako karapatdapat, samahan mo po ako, upang malagpasan ko ang lahat nang unos ng buhay. Amen.