Magandang buhay ginigiliw kong kapatid kay Kristo! Pasalamatan natin ang Panginoon sa biyaya ng ating pananampalataya, na lalo pang pinatatatag ng Kanyang Salita. Sa bisa ng ating tinanggap na binyag, pinagkalooban din tayo ng Espiritu ng Panginoon upang maging Kanyang misyonero na inatasang ipangaral ang Mabuting Balita sa ating salita at gawa, at sa ating pamumuhay. Paano ka nakatutugon sa panawagang ito araw-araw? Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata apat, talata labing-apat hanggang dalawampu’t dalawa.
EBANGHELYO: Lk 4:14-22
Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya lahat. Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para basahin ang Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ihayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang ihayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatan ito ngayon habang nakikinig kayo.”At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Baste Marfilgadia ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. (Madalas nating mabasa ang mga Mission Statements ng ibat ibang paaralan. Ano mang paaralan ang mapuntahan at nais nating pasukan, may iisa lamang silang misyon- ito ay hubugin ang kanilang mga estudyante na maging mabuti at magaling na mamamayan. Bilang mga Kristyano, Lahat tayo’y may misyon. Ang ating pagiging kristyano ay may kaakibat na misyon. Ang misyon na ito ay ipadama ang pagmamahal ni Hesus sa mundo lalo na sa mga taong nangangailangan ng pagmamahal, unawa, awa at habag.//) Narinig natin sa ebanghelyo ngayon ang Mission statement ng ating Panginoong Hesukristo. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran nya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.”// Mga kapatid, marami pa rin sa atin ang naniniwala na mapagparusa ang Diyos. Ang Diyos ay hindi mapagparusa. Ang bawat kasalanang nagagawa natin ang siya mismong nagdadala sa atin ng kaparusahan. Ipinakilala sa atin ng ating Panginoong Hesukristo ang tunay na anyo ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang ministeryo. Nais ng ating Panginoong Hesukristo na maging galamay niya tayo upang ipadama ang pag-ibig ng Diyos sa mundo. Nawa ang Mission Statement niya ang siya ring maging mission statementnatin habang nabubuhay tayo dito sa mundo. Sana balang araw, masasabi natin sa Diyos ng taas noo- Mission accomplished.