Daughters of Saint Paul

ENERO 6, 2024 – Sabado bago mag-epifania | San Andres Bessette, relihiyoso

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo.  Pasalamatan natin ang Diyos sa isang linggong iningatan Niya tayo, ginabayan at pinagkalooban ng pang-araw-araw nating pangangailangan.  Ikaanim ngayon ng Enero, ginugunita natin si San Andres Besette na isang relihiyoso.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating maisabuhay ang ating misyon bilang mga binyagang Kristyano.  Sa araw na ito, muli nating pagninilayan, ang dakilang misteryo ng ating pananampalataya – ang hindi maaarok na pagmamahal ng Ama sa Anak, gayundin ng Anak sa Ama… kung kaya’t walang pag-aalinlangang inialay ng Ama ang Anak para sa katubusan ng sangnilikha; at buong pagmamahal namang nagpasakop ang Anak, sa kalooban ng Ama.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata isa, talata pito hanggang labing-isa.

EBANGHELYO:  Mk 1:7-11

Ito ang sinabi ni Juan Bautista sa kanyang pangaral:  “Parating na kasunod ko ang gagawa nang higit pa sa akin.  Hiindi nga ako karapat-dapat na yumuko para magkalag ng tali ng kanyang panyapak.  Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.” Nang panahong iyon, dumating si Hesus mula sa Nazaret ng Galilea at bininyagan siya ni Juan sa Ilog Jordan.  At pagkaahon niya mula sa tubig, nakita niyang nahawi ang Langit at parang kalapating bumababa sa kanya ang Espiritu ng Diyos.  At narinig mula sa Langit:  “Ikaw ang Aking Anak, ang Minamahal, ikaw ang aking Hinirang.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Wala na marahil liligaya pa sa isang tao, na sa harap ng publiko ay ipinagmalaki sya ng kanyang magulang, Tatay o Nanay. Ang relative ko sa Muñoz Nueva Ecija, si Dra. Jamielyn Santos ay bago lang nakapasa sa medical board exam. Sa paglilibot namin sa bayan ng Muñoz, nakita namin ang kanyang malaking tarpaulin sa bayan. Patunay lang ito na ipinagmamalaki sya ng buong pamilya.  Ito rin sa tingin ko, ang saloobin ng Diyos Ama noong winika Niya “Ikaw ang aking minamahal na Anak, na lubha kong kinalulugdan.” Batid natin na ang pagpapabinyag ni Hesus kay Juan Bautista ang simula at hudyat ng kanyang misyon dito sa lupa. Pagpapatunay din ito, na Siya ay Anak ng Diyos. Sa pagbibinyag, itinulad ni Hesus ang kanyang sarili sa ating lahat na makasalanan, sa kabila na Siya ay walang kasalanan. Sinabi ni Juan Bautista sa simula ng pagbasa, na siya ay nagbibinyag sa tubig, pero si Hesus na Anak ng Diyos ay magbibinyag sa Espiritu Santo. Mga kapatid, pahalagahan natin ang sakramento ng binyag dahil sa pamamagitan nito, nakikibahagi tayo sa pagkahari, pagkapari at pagkapropeta ni Hesus. Sa binyag tayo ay maituturing na mga inampong anak ng Diyos Ama. Amen.