Daughters of Saint Paul

Enero 7, 2017 SABADO Bago mag-Epifania / San Raymundo de Peñafort, pari

Jn 2:1-11

May kasalan sa Kana, Galilea, at naroon ang ina ni Jesus.  Si Jesus at ang  kanyang mga alagad ay naroon din.  Kinapos ng alak kaya’t sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.”  Sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo akong pangunahan, Ginang!  Hindi pa ito ang panahon ko.”  Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

            Doo’y may anim na tapayan, ang bawat isa’y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung gallon.  (Nakalaan ang mga ito para sa paglilinis ayon sa tuntuning panrelihiyon ng mga Judio.)  Sinabi ni Jesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.”  At pinuno nga nila hanggang sa labi.  Pagkatapos, sinabi niya, “Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.”  Dinalhan nga nila ang namamahala ng handaan.  Tinikman naman nito ang tubig na naging alak.  Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, bagamat alam ng mga katulong na sumalok ng tubig, kaya’t tinawag niya ang lalaking ikinasal.  Sinabi niya rito, “Ang una pong inihain ay ang masarap na alak.  Kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri.  Ngunit ipinapahuli ninyo ang masarap na alak.

            Ang nangyaring ito sa Kana, Galilea, ay siyang unang kababalaghang ginawa ni Jesus.  Sa pamamagitan nito’y inihayag niya ang kanyang kadakilaan, at nanalig sa kanya ang mga alagad.

PAGNINILAY

Naubusan sila ng alak.” Kung susuriin natin ang konteksto nito sa kasalukuyan, marami sa atin ang nauubusan na ng Alak ng pag-asa dahil sa samu’t saring problema na kinakaharap sa ating lipunan – lalo na ang nagpapatuloy na war on drugs na kumitil na ng maraming buhay.  Nawawalan na ng Alak ng tiwala, dahil ang akala nating mga tapat at pinagkakatiwalaang mga lider, tila walang takot sa Diyos at mga tiwali rin pala.  Natutuyo na rin ang alak ng pananampalataya dahil sa information overload na dulot ng media, social media at mga gadgets na nagnanakaw ng marami nating oras, kung kaya’t wala na tayong panahon para suriin ang ating budhi at magdasal. Nauubos na rin ang alak ng katotohanan na hindi na malaman kung kanino maniniwala dahil sa mga balimbing na pulitiko na papalit-palit ng partidong sinasalihan at walang sariling paninindigan.  Kaya’t kasama ng ating mahal na ina, magsumamo tayo sa ating Panginoon. Sabihin din natin sa Kanya: “Naubusan sila ng alak.” Gawin natin itong ating dasal, kasabay ng pagsuko natin sa kanya ng tubig ng ating kahinaan at kawalan ng pag-asa, at magtiwalang gagawin din niyang alak. Alak ng bagong pag-asa at pagtitiwala, sariwang alak ng pananampalataya, at umaapaw na alak ng katotohanan na batay sa Kanyang nagbibigay-buhay na Salita.