EBANGHELYO: Lk 4:14-22
Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat. Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan na ang Kasulatan ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Narinig natin na sinabi ni Jesus na taglay Niya ang Pangangaral ng Mabuting Balita; ang Pagpapahayag ng Kalayaan; ang Pagpapanauli ng Paningin; ang Pagliligtas sa mga sinisiil; at ang Pagproklama ng isang taon ng biyaya ng Panginoon. Siya ang Karunungan, Pag-asa, ang Kalunasan at Pagpapagaling, ang Kaligtasan at ang Kagalakan! Para kanino? Sa mga dukha, sa mga nabibilanggo, sa mga bulag, sa mga sinisiil. Para sa atin. Kailan nga ba tayo hindi naging dukha? Nanlilimos tayo ng pagmamahal at habag mula sa Panginoon. Kailan tayo hindi nabibilanggo? Kapag gumagawa tayo ng ayon sa kalooban natin kahit hindi tama, na akala natin malaya tayo pero nakukulong tayo sa maling desisyon. Kailan tayo hindi nabubulag? Kapag pinilipili natin ang kadiliman na bigla na lang tayong iniiwan na nakalugmok kapag nasilo na tayo sa kanilang patibong. Kailan tayo hindi sinisiil? Kapag nililimitahan ang ating pagpapahayag ng pananampalataya, na iilan lang din ang nakatatanggap ng Katawan ni Kristo sa Banal na Misa? Ito ang realidad natin ngayon. At ngayon, tanggapin natin si Jesus. Iniaalay Niya sa atin ang Taon ng Biyaya ng Panginoon! Dala Niya ang yaman ng biyaya na hindi ang mundo ang makapagbibigay. Ang biyaya ng buhay, biyaya ng habag ng Panginoon, at ang biyaya na tayo ay mga Anak ng Diyos. Ito lang buhos-buhos na itong biyaya!