Daughters of Saint Paul

ENERO 7, 2022 – BIYERNES San Raymundo de Penyafort

Magandang-magandang araw ng Biyernes kapatid kay Kristo!  Dakilain natin ang Panginoon sa maraming pagkakataong pinagaling Niya tayo sa ating pisikal at espiritwal na karamdaman.  Ano naman ang tugon natin sa natamong kagalingan?  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata Lima, talata Labindalawa hanggang Labing-anim.

EBANGHELYO: Lk 5:12-16

Nang nasa isang bayan si Jesus, may isang tao naroon na tadtad ng ketong-Nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya at nakiusap sa kanya: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis moako.” Kaya iniulat ni Jesus ang kanyang kamay at hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka! “Nang oras ding iyo’y iniwan ng ketong ang lalaki. Iniutos sa kanya ni Jesus: “Huwag mo itong sabihin kanino man kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit lalo namang kumalat ang balita tungkol sa kanya at pumunta sa kanya ang maraming tao para marinig at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Kaya madalas na mag-isang pumunta si Jesus sa mga ilang na lugar para manalangin.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa narinig nating ebanghelyo, parang tinakasan ni Hesus ang mga taong lumalapit sa kanya upang magpagamot, dahil sinasabi sa verse 15 na, “dinumog Siya ng mga tao upang makinig at magpagamot ng kanilang mga karamdaman” at sa verse 16 “Ngunit nagtungo Siya sa ilang upang manalangin”. Pero, kung susuriin nating mabuti, hindi ang mga may sakit ang dahilan ng pag-punta ni Hesus sa ilang na lugar. Sa katunayan, maraming pagkakataong ipinagpaliban ni Hesus ang pamamahinga, upang gamutin ang mga may karamdaman.  Sa palagay ko nagtungo Siya sa ilang, una, upang makaniig ang Ama na nagsugo sa kanya. Jesus is always in communion with the Father. Ito ang dahilan kung bakit hindi nawawala ang focus Niya sa misyong ibinigay sa Kanya. Pangalawa, umiiwas Siya sa maaaring gawin ng mga tao, dahil sabi nga sa unang bahagi ng v.15, “Ang Kanyang pangalan ay lalo pang natanyag.” Mga kapatid, may magandang aral na ipinapakita rito si Hesus sa atin, lalo na sa mga nagiging tanyag sa paggawa ng kabutihan. Natural sa ating mga tao ang hangaring mapalapit sa taong mabuti at matulungin, kaya naman lalong nagiging tanyag ang taong matulungin sa kapwa. Kaya lang, kapag mahina ang kapit ng mabuting tao sa Panginoon, may tendency na lamunin sya ng katanyagan, at makalimutan ang tunay na nagkaloob ng likas na kabutihan sa kanyang puso. Kapag naging sentro na ang sarili sa halip na ang Diyos, dito nag-uumpisa ang pagbagsak ng taong mabuti. Sabi nga nyan ng demonyo sa film na The Devil’s Advocate, “Vanity is my favorite game”. Let us learn from Jesus. No matter how busy or hectic our day is, let us always find time to be with God, to keep us focus on Him and to our mission. 

PANALANGIN

Panginoon, tulungan mo po kaming manatiling tapat sa inyo at sa misyong ipinakaloob nyo sa amin. Manatili ka sanang sentro ng aming buhay at pag-ibig upang hindi kami mapalayo sa iyo kahit pa makatanggap kami ng mga papuri at maging matagumpay sa aming misyon, Amen.