BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagdiriwang natin ngayon ng Dakilang Kapistahan ng Epipanya o ang Pagpapakita ng Panginoon. Nakita ng mga pantas mula sa Silangan ang kanyang tala, kaya hinanap nila Siya upang sambahin. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Buksan na natin ang puso at isip sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawa, talata isa hanggang labing-dalawa.
EBANGHELYO: Mt 2:1-12
Pagkapanganak kay Hesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng maga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.” Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag niya kaagad ang bagong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapangkat ito ang isinulat ng Propeta: ‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.’ Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.” Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira. At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan ssila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Focus ka ba sa buhay? Sa ating pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon o Epipanya, natunghayan natin ang mga pantas mula sa Silangan, na focus sa kanilang paghanap sa bagong silang na hari ng mga Judio. Bago matunton ang batang si Hesus, may mga pinagdaanang pagsubok. Isa na rito ay ang pakikipagtagpo sa sinungaling at pinuno ng mga scammer, na si Haring Herodes na magbibigay galang daw sa bata. Pero ang totoo ay pagpatay ang gagawin. Salamat sa Diyos dahil sa pamamagitan ng panaginip ay nakinig ang mga Pantas sa Diyos. Mga kapatid, Focus! Ito ang paanyaya sa atin. Ang buhay ay isang paglalakbay. Maaari tayong maligaw at matukso, mula sa mga taong may matatamis ang dila, tulad ni Herodes, na pinuno yata ng mga scammers!!! Maging focus, at huwag panghinaan ng loob. Sa gabay ng Panginoon, tularan natin ang mga pantas na pursigido na makamtan ang mithiin. Amen.