MARCOS 1:7-11
Ito ang sinasabi ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral, “Darating na kasunod ko ang gagawa ng higit pa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman Niya kayo bibinyagan.” Nang panahong yun dumating si Jesus mula sa Nazaret at Galilea, at bininyagan Siya ni Juan sa Ilog Jordan. At pagkaahon Niya sa tubig nakita niyang nahawi ang langit, at parang kalapating bumababa sa kanya ang Espiritu ng Diyos. At narinig mula sa langit: “Ikaw ang aking Anak na minamahal; ikaw ang aking hinirang.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, maipagmamalaki mo bang isa kang binyagang Kristiyano? Sa blog na “Thoughts to live By…” sinasabing may tatlong uri daw ng “unchurched Christians” o mga Kristiyano sa pangalan lamang pero hindi sa tunay na buhay. Una, ‘yung “nominal” na Katoliko. Sila ‘yung tinatawag din nating KBL; mga Kristiyanong pumapasok lang sa Simbahan tuwing Kasal, Binyag at Libing. Ang ikalawa, ‘yung Kristiyanong “uninformed at unformed.” Sila ‘yung walang kaalam-alam sa kanilang pananampalataya o kung may alam man, mali pa ang kanilang nalalaman o pinipili lang ang gustong paniwalaan. At ang ikatlo’t huli,’yung Kristiyanong “uninterested.” Wala silang pakialam sa misyon at mga hangarin ng kanilang parokya. Kapanalig, kung kabilang ka sa kategorya ng mga Kristiyanong nabanggit, maipagmamalaki mo bang bininyagan ka sa Ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo? Sa gitna ng mga maiinit na usapin sa ating bansa sa kasalukuyan na tila pinangingibabawan ng kasamaan, maipagmamalaki pa kaya natin ang titulo na tanging ang Pilipinas na lamang ang Kristiyanong bansa sa Asya? Pansinin ninyo mga kapanalig. Ilan ba sa ating mga binyagang Kristiyano ang pumapabor sa kultura ng kamatayan – na sumusulong sa death penalty, divorce, same-sex marriage, abortion at contraceptive mentality. Ilang trolls sa social media ang nagpapakalat ng kasinungalingan? Ilan ang pumapalakpak sa pagmumura, pambabastos at pagiging magaspang ang pag-uugali? Ilang mga Kristiyano ang namumuhay nang immoral, kaliwa’t kanan ang mga anak sa iba’t ibang babae, at ipinagmamalaki pa nila ito, o mga babae namang niloloko ang kanilang mga asawa? At ilang Kristiyano ang sumasang-ayon sa sistema ng corruption at nagsasamantala sa mahihina at maliliit? Mga kapanalig, kung tunay tayong mga binyagang Kristiyano, sisikapin nating mamuhay ayon sa panuntunan ng Panginoong Jesukristo. Sisikapin natin, sa tulong ng Banal na Espiritu, na huwag padadala sa agos ng kasamaan na umiiral ngayon sa lipunan. Magagawa lamang natin ito kung kasama natin ang Diyos na Siyang magpapalakas sa’tin na panibaguhin ang pangakong sinumpaan natin sa Sakramento ng binyag, na itakwil si satanas at labanan ang kanyang mapanuksong gawain.