Daughters of Saint Paul

ENERO 8, 2020 – MIYERKULES PAGKARAAN NG EPIFANIA

EBANGHELYO: MARCOS 6:45-52

Pinilit ni Jesus na sumakay sa bangka ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkapaalis niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin.Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin. Kaya nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat, akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.”Nang nakasakay na siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya lalo pa silang namangha. Hindi nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi sarado ang kanilang isip.

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, nais ipaunawa sa atin ng Ebanghelyo na nalalaman ng Panginoon ang mga pinagdadaanan nating problema at kabalisahan sa buhay. Kahit sa gitna ng Kanyang pagdarasal, alam ni Jesus na nasa panganib ang Kanyang mga kaibigan, kaya pumunta Siya sa kanila na naglalakad sa dagat.  Sinabi Niya sa kanila:  “Lakasan ang loob!  Ako ito! Huwag kayong matakot!”  Kailangan talagang palakasin ni Jesus ang kanilang loob dahil hindi pa nila tunay na nakikilala ang Panginoon.  Hindi pa sila ganap na nakakapasok sa hiwaga ng mga salita at gawa ng Anak ng Diyos. Inakala pa nga nilang multo si Jesus dahil nakakalakad Siya sa ibabaw ng tubig.  Ang paniwala kasi nila – ang dagat, ilog, lawa at mga katulad nito – pinamamahayan ng masasamang espiritu.  Sarado pa nga ang isip nila sa mahiwaga, at makapangyarihang pagkilos ng Diyos sa kanilang buhay sa pamamagitan ni Jesus.  Mga kapanalig, magandang bigyang pansin ang buhay-panalangin ng Panginoong Jesus.  Kahit Siya’y Diyos na, lagi Niyang isinasangguni sa Ama ang lahat ng Kanyang gawaing pagmimisyon at pagdedesisyon. ‘Yan din ang paanyaya sa atin ngayon.  Na sa kabila ng napakarami nating pinagkakaabalahan araw-araw, huwag nating kalilimutang maglaan ng panahon upang manalangin.  Pinalalakas ng ating pagdarasal ang ating kalooban upang huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa panahon ng pagsubok.  Kahit ilang unos at bagyo pa ang ating kaharapin sa buhay, tunay na hindi tayo matatakot kapag kasama natin ang Panginoon.  Amen.