EBANGHELYO: Lk 5:12-16
Nang nasa isang bayan si Jesus, may isang taong tadtad ng ketong doon. Nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya at nakiusap siya: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” “Gusto ko, luminis ka! Huwag mo itong sabihin kanino man kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa iyo ang handog na iniutos ni Moises para magkaroon sila ng patunay.” Ngunit lalo namang kumalat ang balita tungkol sa kanya at pumunta sa kanya ang maraming tao upang makinig at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Kaya madalas na mag-isang pumunta si Jesus sa mga ilang na lugar para manalangin.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master ang pagninilay sa ebanghelyo. Handa ka bang tanggapin ang kalooban ng Diyos sa iyong mga panalangin?// Isa sa mga paboritong salita ni Pope Francis mula sa Biblia ay mismong mga salita mula sa ating Ebanghelyo ngayon: “Panginoon, kung nais po ninyo, ako’y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” Ayon kay Pope Francis, ang mga salitang ito ay tunay na panalangin na maaari nating ulit-ulitin ng maraming beses sa isang araw. Ang pagsasabing “Panginoon, kung nais po ninyo” ay tanda ng pagpapakumbaba at pagkilala sa kalooban ng Diyos.// Ang panawagan ng ketongin kay Hesus ay modelo ng bawat panalangin. Handa ang ketongin sa anumang kalooban ng Diyos. Hindi niya ninais na makamtan ang isang biyaya lalo’t hindi naman ito kalooban ng Diyos. Ang mga salitang “Panginoon, kung nais po ninyo,” ay pagpapahayag ng pagtitiwala sa Diyos at pagtugon sa hamon na maging handa sa pagtupad sa kalooban ng Diyos sa lahat ng oras. Hindi ba’t ito rin ang turo ng Ama Namin – “sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit?” Kaya ng Diyos na mangyari ang lahat ng bagay. Sa kanyang awa, maaari nating ipagkatiwala ang ating sarili.// Napakagandang panalangin din ang paghiling natin sa Panginoon na tayo’y “pagalingin” at “gawing malinis.” Lahat tayo ay may kagalingang kailangan – moral man ito o espiritual, sa pangangatawan man o sa pakikipag-ugnayan sa kapwa. Ang pagiging malinis sa kasalanan ay daan tungo sa kagalingan. (Ang paghiling ng kagalingan at kalinisan ay pag-amin na kailangan natin ng awa at tulong ng Diyos na naparito “hindi para sa mga matuwid kundi para sa mga makasalanan (Lk 5:32/Mk 2:17).”//
PANALANGIN
Sa tulong at awa mo, Panginoon, pagalingin at linisin mo po ako upang sa lahat ng oras ay maging handa ako sa pagtupad ng iyong kalooban. Amen.