Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo! Purihin natin ang Panginoon sa dakila at walang hanggang pagmamahal Niya sa atin! Di ba’t minahal na Niya tayo, bago pa man natin Siya natutuhang mahalin? Sa maririnig nating Mabuting Balita, inihayag ni Juan ang popular na paksa ng pag-iisang dibdib ng Panginoon at ng bayang Israel. Sinabi ni Juan na si Hesus ang nobyo, at ang mga tao ang Kanyang pakakasalan. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan natin ang Mabuting Balita mula kay San Juan kabanata tatlo, talata dalawampu’t dalawa hanggang tatlumpu.
EBANGHELYO: Jn 3:22-30
Pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at doon siya tumigil kasama nila, at nagbibinyag. Nagbibinyag din naman si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat malalim ang tubig doon, at may mga nagdaratingan at nagpapabinyag. Hindi pa nabibilanggo noon si Juan. At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan sa isang Judio tungkol sa paghuhugas. Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa kanya: “Rabbi, ang kasakasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatotohanan mo, nagbibinyag siya ngayonat sa kanya pumupunta ang lahat.” Sumagot si Juan: “Walang maaabot ang tao, maliban sa ibinigay sa kanya ng Langit. Kayo mismo ang mga saksi ko na sinabi kong: ‘Hindi ako ang Kristo; sinugo ako una sa kanya.’ Para sa nobyo ang nobya. Naroon ang abay ng nobyo para makinig sa kanya at ikinagagalak niya ang makinig sa nobyo. Ganito rin lubos ang aking kagalakan. Dapat siyang humigit at ako nama’y humigit at ako nama’y lumiit.”
PAGNINILAY
Ang pag-iisang dibdib ng Panginoon at ng bayan ng Israel ang malalim na kahulugan nang sinabi ni Juan sa kanyang mga alagad na siya, bilang “abay ng nobyo”, ay natutuwa dahil ang nobyong kakasalin na walang iba kundi si Hesus ay dumating na. Nasiyahan na rin siya sa mga naihanda niyang kalooban ng mga tao bilang nobyang makikipag-isang dibdib kay Hesus. Tunay na sa simula pa lang, nakatalaga na tayo sa Panginoon. Tulad ng sinabi Niya sa pamamagitan ni Propeta Oseas na: “Ikaw ang aking magiging asawa magpakailanman, Israel; mabubuklod tayo sa katwiran at katarungan, sa matibay na pagmamahalan, at sa kaawaan. Ikaw ang magiging tapat kong asawa at makikilala mo Ako, ang Panginoon.” Mga kapatid, ang pagdating ni Hesus ang kaganapan ng kalooban ng Diyos na tayo’y makibahagi sa Kanyang dakila at walang hanggang pag-ibig. Tulad tayo ng isang maruming babae na hinango ni Hesus mula sa putik at itinalaga sa Kanya. Ayon kay San Pablo, “binili Niya tayo sa malaking halaga.” At ang halaga nito, ay ang mismong Kanyang sariling buhay. Sa ating pang- araw-araw na buhay, paano ba natin nasusuklian ang dakilang pagmamahal sa atin ng Diyos? Namumuhay ba tayo sa pagmamahal at pasasalamat dahil kinasihan Niya tayo ng awa at kagandahang loob sa kabila ng ating paulit-ulit na pagkakasala?
PANALANGIN
Panginoon, pagindapatin Mo po akong makatugon sa dakila at walang hanggang pag-ibig Mo sa akin. Patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong nagkasala ako Sa’yo at sa aking kapwa. Amen.