BAGONG UMAGA
Maligayang Kapistahan ng Pagbibinyag ng Panginoon! Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Matutunghayan natin ang tagpo ng Pagbibinyag sa Panginoong Hesus sa tubig at Espiritu. Pakinggan natin ito sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata isa, talata pito hanggang labing-isa.
EBANGHELYO: Mk 1:7-11
Ito ang sinabi ni Juan Bautista sa kanyang pangaral: “Parating na kasunod ko ang gagawa nang higit pa sa akin. Hiindi nga ako karapat-dapat na yumuko para magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.” Nang panahong iyon, dumating si Hesus mula sa Nazaret ng Galilea at bininyagan siya ni Juan sa Ilog Jordan. At pagkaahon niya mula sa tubig, nakita niyang nahawi ang Langit at parang kalapating bumababa sa kanya ang Espiritu ng Diyos. At narinig mula sa Langit: “Ikaw ang Aking Anak, ang Minamahal, ikaw ang aking Hinirang.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa Kapistahang ito ng Pagbibinyag sa Panginoon, meron akong apat na punto na nais bigyan pansin at ibahagi sa inyo. Una ang kababaang loob ni San Juan Bautista. Inamin niya sa kanyang mga followers at sa mga nagpapabinyag sa kanya na siya ay isang sugo lamang at may darating na mas higit sa kanya – ang Panginoon na magbibinyag sa Espiritu Santo. Hindi niya inangkin ang spotlight, sa halip ay itinuon niya ang spotlight kay Hesus. Pangalawang punto, ang kababaang loob ni Hesus. Hindi niya kinailangang magpabinyag kay Juan Bautista katulad ng iba dahil wala siyang kasalanan. Pero ginawa niya ito bilang pakikiisa sa atin. Sa pagiging tao, tinanggap ni Hesus ang realidad ng ating katauhan, maliban sa kasalanan. Pangatlong punto, ang pagbukas ng langit at ang pagbaba ng Espiritu Santo. Ganito ang nangyayari pag binibinyagan tayo, nawawala ang kasalanang orihinal na namana natin sa ating mga unang magulang, at napupuspos tayo ng Banal na Espiritu. Binibigyang diin ng ating Katesismong Katoliko, na sa pamamagitan ng Binyag tayo ay muling isinilang bilang mga anak ng Diyos; tayo ay naging mga miyembro ni Kristo, isinama sa Simbahan at naging kabahagi sa kanyang misyon. Pang-apat na punto, ang sinabi ng Diyos Ama kay Hesus: “Ikaw ang aking minamahal na anak.” “You are my beloved…” Mga kapatid, ‘di ba napakasarap pakinggan, na tawagin tayong minamahal? Lahat tayo ay naghahangad na maging “minamahal” o “beloved” ng isang tao, lalo na ng Diyos! Sa oras ng ating binyag, tayo ay naging beloved ng Diyos, dahil muli tayong isinilang bilang Kanyang mga anak, at napuno ang ating kaluluwa ng walang hanggang grasya. Kapatid, ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay walang hanggan. Ang lahat ng pagmamahal ay nag-uugat sa pag-ibig ng Diyos sa atin. Ang pagmamahal natin sa isa’t isa ay isang “pagbabahagi” sa pag-ibig ng Diyos!