Mt 3:13-17
Dumating si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa Ilog Jordan para magpabinyag. Pero tumanggi si Juan at sinabi: “Ako ang dapat na magpabinyag sa iyo, bakit ikaw ang lumapit sa akin?”
Ngunit sumagot sa kanya si Jesus: “Hayaan mo. Ganito natin tutuparin ang makatarungang plano ng Diyos. “Kaya sumang-ayon si Juan. Matapos mabinyagan, umahon si Jesus mula sa tubig. At agad na nabuksan ang Langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang kalapati at pababa sa kanya. Narinig kasabay nito ang boses mula sa Langit na nagsabi: “Ito ang aking anak, ang Minamahal, siya ang aking Hinirang.”
PAGNINILAY
Kapatid, naitanong mo ba sa’yong sarili kung bakit nagpabinyag si Jesus gayong wala naman Siyang kasalanan? Ano ang ibig sabihin ng Kanyang pagpapabinyag? Mahalagang pagnilayan na sa paglubog ni Jesus sa tubig, pinabanal nito ang tubig para sa ating binyag. Naalaala n’yo pa ba ang araw ng inyong binyag? Marami sa atin baby pa noong bininyagan. At tuwang-tuwa tayong balik-balikan ang mga pictures at video kung paano tayong binuhusan ng banal na tubig at pinahiran ng banal ng langis. Saksi noon ang ninong at ninang natin. Imagine, baby pa tayo noon pero iniangat na ang ating dangal… hindi lang tayo anak ng ating nanay at tatay, naging anak na rin tayo ng ating Diyos Ama! Totoo na ngayong kapistahan ng pagbibinyag kay Jesus, nagbubuhos ito ng liwanag sa kahulugan ng binyag na ating tinanggap. Una, nang umahon si Jesus sa tubig, umahon tayo mula sa kasalanan. Nang muling nabuhay si Jesus, tayo rin muling nabuhay. Umahon tayo sa tubig bilang bagong nilikha. Nilinis nito ang orihinal na kasalanang minana natin sa’ting unang magulang. Kaya bata pa tayo, tinagurian na tayong little angels o little saints… Kapatid, sa edad natin ngayon kamustahin natin ang ating sarili. Tayo ba’y mga anghel at banal pa rin ng Diyos? Napanindigan ba natin ang pangakong itatakwil si satanas at kanyang mapanlinlang na gawain? Kung nagkulang man tayo sa Diyos at sa kapwa dahil sa ating kahinaan at masasamang gawain, hindi pa huli para humingi ng tawad. Ikumpisal natin ang kasalanan at humingi ng tawad sa mga taong sinaktan natin. Lagi nating isaisip, na sa magandang pakikitungo natin sa isa’t-isa tunay tayong nagiging magkakapatid sa Ngalan ng Diyos Ama.