Daughters of Saint Paul

Hulyo 02, 2017 LINGGO sa Ika-13 Linggo ng Taon

2 H 4:8-11,14-16a – Slm 89 – Mt 10:37-42

Mt 10:37-42

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin. At hindi karapat-dapat sa akin ang sinumang hindi nagpapasan sa kanyang krus at sumusunod sa akin. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagpapahalaga nito, at matatagpuan naman ito ng nawawalan ng kanyang sarili.

            Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumatanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.”

PAGNINILAY

May aral tungkol sa pagmimisyon ang Ebanghelyong ating narinig.  Sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus na tanggapin natin ang Kanyang mga sugo bilang pagtanggap na rin sa Kanya.  Ipinakikilala rito ni Jesus na tunay ngang kaisa Niya ang bawat misyonero.  Hindi lamang kaisa ni Jesus ang bawat propeta o bawat taong matuwid.  Nasisilayan din si Jesus sa bawat isa, gaano man ito kababa o kasama – dahil ang bawat tao, tinubos na ng mahal na Dugo ng Panginoong Jesus, at pinananahanan ng Kanyang Banal na Espiritu.  Kaya bawat tao, mahalaga at may dignidad bilang anak ng Diyos.  Hindi man natin makita at maramdaman ang presensya ng Diyos, lalo na sa mga taong itinuturing nating masama at salot sa lipunan, pero sino ba tayo para maghusga?  Tanging ang Diyos lamang ang may karapatang humusga.  Mga kapatid, walang ginawa ang Diyos na masama.  Lahat ng nilikha ng Diyos pawang mabuti!  Kung panghahawakan natin ang paniniwalang ito, at sisikaping hanapin ang mukha ni Kristo, sa puso ng bawat tao, gaano man ito kasama – baka, magdulot ito ng himala at maging daan sa pagbabago ng taong ito.  Totoong wala tayong kakayahang baguhin ang puso ng sinumang tao! Dahil tanging ang Diyos lamang ang makagagawa nito!  Pero may kakayahan tayong ipagdasal ang pagbabagong-puso ng mga masasamang tao; may kakayahan tayong magpainom ng kahit isang basong tubig sa taong nauuhaw; may kakayahan tayong tumulong sa mga kapuspalad at nangangailangan.  Sa ganitong paraan nakikibahagi tayo sa gawaing pagmimisyon ng mga alagad at mga sinugong misyonero ng Panginoong Jesus.