Gen 27:1-5, 15-29 – Slm 135 – Mt 9:14-17
Mt 9:14-17
Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”
Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.
“Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga sisidlan. Dapat lagyan ng bagong alak ang bagong sisidlan; sa gayo’y pareho silang tatagal.”
PAGNINILAY
Sa sinabi ng Panginoong Jesus na dapat lagyan ng bagong alak ang bagong sisidlan, nais Niyang ipahiwatig na ang Kristiyanismo, hindi karugtong lamang ng Judaismo. Ito’y isang ganap na bagong uri ng pananampalataya, kaganapan ng plano ng Diyos dito sa lupa. Tinatawag tayong mga kasapi ng Simbahan, na may misyong ipagpatuloy ang nasimulang gawain ng Panginoong Jesus. Ang magturo sa pamamagitan ng ating mabubuting halimbawa, ang magkalinga sa mga dukha at naaapi, ang magpatawad sa mga nagkasala sa atin ang ilan lamang paraan ng pagsabuhay ng ating misyon. Mga kapatid, tayo ang buhay na saksi ng pananatili ng Panginoon sa kasalukuyang panahon. Tayo ang Kanyang mga kamay at paa, ang kanyang bibig na magpapahayag ng Kanyang Mabuting Balita. Pinapaalalahanan Niya tayo na huwag tularan ang mga Judio sa kanilang makitid na pagsunod sa Batas – metikuloso ang paraan ng pag-aayuno, paglilinis ng sarili o purification, na kadalasan sumasakal sa kasimplehan ng tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos at kapwa. Sa halip, lagi nating sikapin na huwag maging pakitang tao lamang ang ating ginagawang pag-aayuno, maging ang mga ginagawa nating kabutihan at pagtulong sa kapwa. Dapat itong manggaling sa pusong tapat na nagmamahal sa Diyos at tunay na may malasakit sa kapwa. Manalangin tayo. Panginoon, pakalinisin Mo po ang aking hangaring gumawa ng mabuti. Huwag nawa itong maging pakitang-tao lamang, kundi galing sa pusong tunay na may pagmamahal. Amen.
