Daughters of Saint Paul

Hulyo 1, 2017 SABADO sa Ika-12 Linggo ng Taon/Bl. Junipero Serra, pari

 

Gen 18:1-15 – Lc1 – Mt 8:5-17

Mt 8:5-17

Pagdating ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.”

Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko:  ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.”

Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit. At itatapon naman sa kadiliman ang mga tagapagmana ng Kaharian; at doon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.”

At sinabi ni Jesus sa kapitan: “Umuwi ka at mangyayari ang pinaniniwalaan mo.” At gumaling ang katulong sa oras ding iyon.

Pagpasok naman ni Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenan ni Pedro na may lagnat at nakahiga. Hinawakan niya ito sa kamay at nawala ang lagnat nito. Kaya bumangon ito at nagsimulang maglingkod sa kanya.

Pagkalubog ng araw, dinala nila kay Jesus ang mga taong inaalihan ng masasamang espiritu, at sa isang salita lamang ay napalayas niya ang mga ito. Pinagaling din niya ang mga maysakit. Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Propeta Isaias: “Kinuha niya ang ating mga sakit at pinasan ang ating mga karamdaman.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, tunay na kahanga-hanga ang ginawa ng kapitan sa Ebanghelyong ating narinig.  Bagamat isang pagano at pinuno ng mga kawal, nagpakumbaba siya at nakiusap kay Jesus na pagalingin ang kanyang katulong na dumaranas ng matinding hirap.   Labis siyang nahabag sa kanyang katulong.  Malasakit at kalinga ang nanaig sa kanya upang magsumamo kay Jesus para sa kagalingan ng kanyang katulong.  Dahil dito, humanga si Jesus sa pananalig ng kapitan, at iginawad nga niya ang kagalingan ng kanyang katulong.  Ano ang aral na nais ituro sa atin ng Ebanghelyo?  Pananampalataya at pagpapakumbaba!  Ito ang mga susi upang dumaloy sa atin ang habag at pagpapala ng Diyos.  Kaya anumang suliranin ang pinagdadaanan natin sa mga sandaling ito, buong kababaang-loob tayong dumulog sa Diyos. Magsumamo at ipahayag ang ating lubos na pagtitiwala na kung wala Siya, hindi natin kakayanin ang mga pagsubok na ating nararanasan.  Hingin din natin sa Diyos ang biyaya na pagkalooban tayo ng pusong katulad ng kapitan, may malasakit at kalinga sa mga taong naglilingkod sa atin.  Panginoon, dagdagan mo po ang aking pananalig at pagtitiwala na hinding-hindi Mo ako susubukin nang labis sa aking makakaya.  Amen.