BAGONG UMAGA
Isang mabiyaya at puno ng pag-asang unang araw ng Hulyo kapatid kay Kristo! Pasalamatan natin ang Diyos sa bagong buwan ng Hulyo/ at sa lahat ng mga biyaya at pagpapalang inilaan Niya sa atin sa buong buwan. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata walo, talata lima hanggang labimpito
EBANGHELYO: Mt 8:5–17
Pagdating ni Hesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap.” “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” “Panginoon, hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko, pero kapag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.” Nang marinig ito ni Hesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit.” Pagkaalis n’ya sa sinagoga tumuloy si Hesus sa bahay nina Pedro at Andres kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyanan ni Pedro at may lagnat at agad nila itong sinabi kay Hesus. Kaya lumapit s’ya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, ng dumidilim na, dinala nila kay Hesus ang lahat ng may sakit o inaalihan ng masamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan, maraming may iba’t-ibang sakit ang pinagaling ni Hesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas. Ngunit hindi n’ya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino s’ya.
PAGNINILAY
Mga kapatid, tunay na kahanga-hanga ang ginawa ng kapitan sa Ebanghelyong ating narinig. Bagamat isang pagano at pinuno ng mga kawal, nagpakumbaba siya at nakiusap kay Hesus na pagalingin ang kanyang katulong na dumaranas ng matinding hirap. Labis siyang nahabag sa kanyang katulong. Malasakit at kalinga ang nanaig sa kanya upang magsumamo kay Hesus para sa kagalingan ng kanyang katulong. Dahil dito, humanga si Hesus sa pananalig ng kapitan, at iginawad nga niya ang kagalingan ng kanyang katulong. Ano ang aral na nais ituro sa atin ng Ebanghelyo? Pananampalataya at pagpapakumbaba! Ito ang mga susi upang dumaloy sa atin ang habag at pagpapala ng Diyos. Kaya anumang suliranin ang pinagdadaanan natin sa mga sandaling ito, buong kababaang-loob tayong dumulog sa Diyos. Magsumamo at ipahayag ang ating lubos na pagtitiwala na kung wala Siya, hindi natin kakayanin ang mga pagsubok na ating nararanasan. Hingin din natin sa Diyos ang biyaya na pagkalooban tayo ng pusong katulad ng kapitan, may malasakit at kalinga sa mga taong naglilingkod sa atin.
PANALANGIN:
Panginoon, dagdagan mo po ang aking pananalig at pagtitiwala na hinding-hindi Mo ako susubukin nang higit sa aking makakaya. Amen.