Ebanghelyo: Mt 8:18–22
Nang makita ni Jesus ang maraming taong nakapaligid sa kanya, iniutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. May lumapit sa kanya na isang guro ng Batas na nagsabi: “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” Sinabi ni Jesus sa kanya: May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mahiligan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.” Isa pa sa mga alagad ang nagsabi sa kanya: “Panginoon, pauwiin mo muna ako para mailibing ko ang aking ama.” Ngunit sinagot siya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin, at bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.”
Pagninilay:
Isa sa mga hindi ko makakalimutang karanasan ang misyon namin sa Palawan. Isang buwan po kasi kaming bumisita sa mga bahay-bahay, palipat-lipat sa mga isla sa pagdadala ng Biblia at ng mabubuting babasahin sa mga pamilya. Pagdating namin sa parokya, wala ang kura paroko dahil sa isang emergency. Inihatid kami ng sakristan sa isang kwarto kung saan kami pwedeng makituloy sa loob ng isang linggo. Marami kaming dalang mga libro at tatlo kaming mga madreng nakadestino doon sa parokya, pero pang-isahan lang yung kwarto. Nang maiayos na namin ang mga libro, nagtawanan kaming magkakasama dahil wala na kasing lugar na pwedeng tulugan. Naalala namin ang ebanghelyo sa araw na ito, “wala man mahigaan ang ulo ng Anak ng Tao.” Pinagkasya namin ang sarili kung saan pwedeng mahimlay kahit paano. Ginamit naming unan ang ilang libro at natulog kaming nakatiklop ang mga tuhod. Pero alam mo, tuwang-tuwa kami na naging bukas-loob ang mga tao roon sa Salita ng Diyos at sa kanyang mga aral. Buong araw kaming naglakad para bisitahin ang kanilang mga tahanan, at sa gabi kami nagbigay ng Bible seminar para mas marami ang makadalo. Sabik silang nakinig sa mga paliwanag tungkol sa Biblia, at malugod nilang tinangkilik ang mga babasahin upang lumago ang kanilang pananampalataya. Bago matapos ang linggong iyon, unti-unting naubos ang mga libro, at naiunat na namin ang mga binti sa pagtulog. Sinasabi ni Jesus na hindi madali ang maging alagad niya dahil wala itong kaginhawaan at seguridad. Kapatid, tinatawag ka ba ng Panginoon? Handa ka bang tumalikod sa lahat ng karangyaan, kasiyahan at kaginhawahan para sa kanya?