Ebanghelyo: Mateo 8, 23-27
Sumakay si Hesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang ano-ano’y nag karoon ng malakas na bagyo sa lawa. At parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Hesus. Ginising siya nila na sumisigaw. “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” At sinabi ni Hesus, “Bakit kayo natatakot? Kayong napakaliit ng paniniwala!” Bumangon siya, at inutusan ang mga alon, at hangin, at tumahimik ang lahat. Nagulat ang mga tao at sinabi nila, “Anong klasing tao ito? Sumusunod sa kanya pati ang hangin at dagat!”
Pagninilay:
Naranasan n’yo na bang abutan ng malakas na hangin at ulan habang nakasakay sa bangka? Ganito ang naging karanasan namin sa isang misyon. Bumisita kami sa isang isla at kinumusta ang buhay ng mga residente doon. Tinanong namin kung nakaka-simba sila dahil meron silang maliit na kapilya at sinisikap ng kura paroko na makapagmisa roon minsan sa isang buwan. Pero kapag tag-ulan ay hindi siya nakakapunta. Gaya ng nakagawian, may dala kaming mga Biblia, dasalan, katesismo at children’s books na malugod tinanggap ng mga taga-isla. Tuwang-tuwa nga sila dahil bihira raw silang makakita ng mga libro tungkol sa pananampalataya. Pagkatapos ay pinaalalahanan kami na huwag magpa-abot ng hapon dahil high tide na at mahangin.
Noong pabalik na kami sa mainland panatag naman ang aming paglalakbay. Nang biglang lumakas ang hangin at lumaki na ang mga alon. Nung umpisa, nag-enjoy kami kasi para lang kaming dinuduyan. Kalaunan ay talagang lumaki na ang mga alon at natakot na kaming matabunan nito. Pero laking paghanga namin sa manglalaot o yung nagpapaandar ng bangka. Dahan-dahan niyang ginabayan ang bangka na sumakay sa mga alon. Para kaming nag-surfing pero nakasakay sa bangka! Ang galing niya! Ligtas kaming nakarating sa dalampasigan sa mahusay niyang paggabay. Maraming bagyo at unos ang buhay. Nakakatakot at pakiramdam natin minsan ay malulunod tayo. Marami sa ating mga kababayan ang nawawalan ng pag-asa, nade-depressed, at tinatapos ang kanilang buhay. Katulad ng graduating student sana ng UST pero hindi pala pumasa sa isang subject. Nakakalungkot di ba? Kaya kapanalig, let us be kind. Alalayan natin sila, pakinggan, tulungan, at ipanalangin. Gaya ng mga alagad manalig tayo at tumawag sa Panginoon. Mapapahupa niya ang anumang bagyo, o kaya naman ay mahusay niya tayong gagabayan sa ibabaw ng mga alon ng buhay hanggang maihatid tayo sa dalampasigan ng kaligtasan. Amen.