Daughters of Saint Paul

HULYO 10, 2018 MARTES SA IKA-14 NA LINGGO NG TAON / Santa Amalberga

MATEO 9:32-38

May nagdala kay Jesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.” Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: “Nagpapalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng demonyo.” At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”

PAGNINILAY:

Hapon noon, rush hour at kailangan kong sumakay ng LRT. Talaga namang napakahaba ng pila. Siksikan at tulakan pagbukas ng tren. Gustong makauwi na agad ng lahat, lalo na ang mga nanay na kailangan pang maghanda ng hapunan. Pinaupo ako ni Aida pero sabi ko mas pagod siya at kailangan niyang umupo. 'Sige na po, Sister. Kayo na po ang umupo.' Pinaunlakan ko siya, pinasalamatan at nangakong ipagdarasal ko siya. Tiningnan ko ang mga kasakay ko. Marami sa kanila ang pagod na sa buong araw na trabaho. Ang iba’ y naglalaro sa celfone para hindi mabagot, o kaya naman, nag-scroll ng Facebook news feed nila. Yung iba naman, antok-na-antok na – halos hindi na maidilat ang mga mata.  Naisip ko, ano kaya ang kwento ng mga kapatid kong ito? Anong problema ang binigyan nila ng kalutasan sa araw na ito? Ilang tao ang naturuan, natulungan at pinasaya nila? Anong mga pangangailangan ang pinunuan nila nang may tiyaga at pag-aasikaso? Anong hirap at pagtitiis ang kanilang binata sa nakalipas na mga oras? Hiningi ko sa Panginoon ang isang pusong mapagmahal at habang nagdarasal ako ng rosaryo, inialay ko ang isang Aba Ginoong Maria para sa bawat isa sa kanila.  Na sana, maalala nilang may Mabuting Pastol na nagmamahal sa kanila at lagi nilang kasama, na nakakakita sa lahat nilang pagpupunyagi at pagsisikap. At mayroon Siyang mga alagad na kaakibat nila sa panalangin at pagsusumamo sa Diyos. Kapanalig, kung mayroon kang intensiyon na gusto mong isama namin sa panalangin, o mayroon kang katanungan tungkol sa buhay at pananampalataya, huwag kang mag-atubiling sumulat o mag-text sa amin. Hindi ka nag-iisa!