BAGONG UMAGA
Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo. Salubungin natin ang panibagong araw, panibagong linggo nang may lubos na kagalakan at pagtitiwala sa Panginoon nating Diyos – na ating dakilang Manggagamot. (Kung may karamdaman ka sa mga sandaling ito – pisikal man, emosyonal o espiritwal – lumapit ka sa Panginoon, at idulog sa Kanya ang pangangailangan mo ng kagalingan.) Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Matutunghayan natin ang dalawang insidente na nagpapahayag ng pag-ibig at habag ng Diyos/ sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata siyam, talata labinwalo hanggang dalawampu’t anim.
EBANGHELYO: Mt 9:18-26
Lumapit kay Hesus ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na sinabi: “Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika’t ipatong ang iyong mga kamay at siya’y mabubuhay.” Kaya tumayo si Hesus at sumama sa kanya, pati na ang kanyang mga alagad. Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Hesus. Sapagkat naisip niyang “Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon naman si Hesus, nakita niya siya at sinabi: “Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig.” At gumaling ang babae sa sandaling iyon. Pagdating ni Hesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. At sinabi niya: “Umalis kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog.” Pinagtawanan nila siya. Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay at bumangon ito. Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sino ang gusto nang mag-give up? Yun bang ayaw mo na muling magmahal, magtiwala, umasa. Nanlulumo ka na. Sawa ka nang mangarap dahil hindi naman natutupad. Ayaw mo nang humakbang, kahit isa lang muna. Nakakalimutan mo na ring ngumiti o kumain ng sapat. Kapatid, bukod kay Jairo na humangos sa ating Hesus Maestro para ibalik ang buhay ng kanyang anak, dumadalaw sa atin ngayon ang babaeng inaagasan ng dugo. Kinukumusta tayo. Siya rin naman, naging tulad natin. Naka-ambà na sa kanya noon ang kamatayan. Isang hibla na lang ng pag-asa ang naiwan sa kanya. Itinuturing din siyang marumi kaya naman itinago niya ang kanyang sarili sa kapal ng tao. Umiiwas siya sa mga face-to-face encounter. Isa lang ang kanyang wish. Kailangan niyang mahawakan kahit man lang laylayan ng damit ng ating Hesus Maestro. Iyon lang at gagaling siya. Noong moment na sinalat niya ang dulo ng suot ating Panginoon, dumatal sa kanya ang hinihintay niyang lunas. Ang dugo niya, tumigil na sa pag-agas. Kaya kung wala ka nang makapitan, salatin lang ang inilalawit na balabal ng lunas, pag-ibig at kapayapaan ng ating Hesus Maestro. Kapag nakakaramdam tayo ng lubhang kalugmukan o depression, tanda ito ng imbitasyon na damhin natin Siya. Manalig. Hindi rin naman Siya na-exempt sa pagpapakasakit, sa challenge na magmahal, sa kahihiyan sa pagkakapako hanggang mamatay sa Krus. Kapatid, don’t give up, but give in. Isuko ang sarili at iugnay sa Kanya.