Daughters of Saint Paul

Hulyo 10, 2024 – Miyerkules sa ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mt 10:1-7

Tinawag ni Jesus ang Labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya. Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin n’yo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit.’”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Gemma Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.  

Sa paghirang ng ating Mahal na Hesus Maestro sa mga alagad, iisa ang Kanyang pangarap sa kanila: Ang magpangaral ng Kaharian ng Diyos. Sa Good News ngayon, bumalik sa aking gunita ang paglikha ng Diyos Ama sa ating unang mga magulang. May pangalan sila: Si Adan at si Eba. Nilikha Niya sila na may katangi-tanging talino at ginawa silang tagapangalaga ng hardin ng Eden. Ano ang ibig sabihin ng Eden? Ito ang earthly paradise.  Ang earthy garden of God. Pero kahit na naging disobedient ang ating first parents, matibay ang kalooban ng ating Diyos Ama na maibalik tayo sa Kanyang Divine Garden. Hindi na dito sa lupa, kundi sa tinatawag nating Kaharian sa Langit. Sa layunin ng pagkakalikha sa atin, binigyan ito ng emphasis ni Pope Francis sa kanyang Apostolic Exhortation na Laudate Deum. Follow-up letter niya ito sa Laudato Sì. Sinabi niya na tayo na may taglay na talino, tungkulin nating igalang ang batas ng kalikasan at pagkaingatan ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng nilikha. Kung maisasakatuparan natin ito, dahan-dahan nating masusugpo ang global warming na dahilan ng mga nakapipinsalang baha at soil erosion, ng mga nakanunuot na radiation mula sa super tinding sikat ng araw. Sa paggalang natin sa batas ng kalikasan at sa equal treatment natin sa buong sangnilikha, sama-sama tayong magtatatag ng isang “universal family”. Ito ang maringal na pagkakaisa na puspos ng banal, magiliw at mapagkumbabang paggalang.  Kaharian ng Diyos ang tawag dito.