Daughters of Saint Paul

HULYO 11, 2023 – MARTES NG IKA – 14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON    

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Ikalabing-isa ngayon ng Hulyo, ginugunita natin si San Benito, abad.  Dakilang tagapagturo si San Benito sa mga nagpapakadalubhasa sa paglilingkod sa Diyos.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng Kanyang panalangin hilingin nating pagalingin tayo sa mga karamdamang nagpapahihirap sa atin. (Sa panahon natin ngayon, napakaraming tao ang may karamdaman.  Araw-araw marami ang nagmi-message sa akin na humihingi ng panalanging gumaling sa iba’t-ibang karamdaman.  Asahan po ninyong idinudulog namin sa Diyos ang inyong mga kahilingan.  Patuloy tayong magtiwala sa walang-hanggang awa ng Diyos na pagagalingin Niya tayo, tulad ng ginawa Niyang pagpapagaling sa isang lalaking pipi at inaalihan ng demonyo sa ebanghelyo ngayon.)  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita, ayon kay San Mateo kabanata siyam, talata tatlumpu’t dalawa hanggang tatlumpu’t walo.

EBANGHELYO:  Mt 9:32-38

May nagdala kay Hesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.” Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: “Nagpalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng demonyo.” At nilibot ni Hesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa Panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Rev. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sabi nila, kapag nabuhay tayo sa sabi, sa puna at batikos ng iba, kailanman ay hindi tayo sasaya. Lagi namang may sasabihin ang iba, laging may puna, laging may komento. Pero sa halip na pansinin ang mga sinasabi ng iba, nakatuon ang pansin ni Hesus sa mga hinaing ng mga nangangailangan ng kanyang pagtulong. Ito ang halimbawang ipinapaalala sa atin sa araw na ito. Focus tayo sa pagtulong, sa pagbibigay ng sarili sa nangangailangan, sa paglalaan ng panahon sa mga nahihirapan. Doon mas nagkakaroon ng saysay at halaga ang ating pagpapagal at pagsisikap. Mga kapatid, sadyang napakarami ng aanihin, pero kakaunti ang tagapag-ani. Yung iba kasi, napako na sa kakakomento at kakapuna. Hindi sila nakatutulong, wala na sa kanila ang pagsisikap na tumulong sa kapwa. Sabi nga ng aking guro sa pilosopiya, na si Padre Roque Ferriols, isang Heswita, “Masasabi na ang lahat ng masasabi, pero ang pinakamahalaga ay hindi masasabi, magagawa lamang.” Mas mahalaga na makagawa ng mabuti sa kapwa, makatulong sa maysakit at makapagbigay sa nangangailangan. Tiyak na mas higit ito sa kahit ano pa mang masasabi o komento ng iilan. Ang tunay na sukatan ng pag-ibig sa Diyos at kapwa ay higit sa ano pa mang pananalita, masasalamin at mababanaagan ito sa ganap at taos pusong paggawa.