Daughters of Saint Paul

Hulyo 11, 2024 – Huwebes – San Benito Abad

Ebanghelyo: Mt 10:7-15

Sinabi ni Jesus sa Labindalawa: “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit. Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod sapagkat nararapat ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. Pagdating n’yo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat sa kanya makituloy hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok n’yo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal n’yo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.

Security. Ito ang dahilan kung bakit nagsisikap ang mga magulang na mapagtapos ang mga anak sa pag-aaral. Siyempre, kung makatapos ng pag-aaral ang mga bata, mas malaki ang chance na makapagtrabaho, at maging maganda ang kinabukasan nila.  Ang hamon naman sa mga tagasunod ni Hesus ay magtiwala sa Diyos na ipagkakaloob niya ang kanilang mga pangangailangan. mga kapatid, naniniwala kaming mga misyonero at misyonera na kung gagawin namin ang kalooban ng Diyos, ipagkakaloob niya anuman ang kailangan. Totoo ang Divine Providence! Makapangyarihan ang Diyos – “pinangangalagaan at pinamamahalaan niya ang lahat ng kanyang ginawa. Pinahahalagahan niya ang lahat, mula sa pinakamaliit na bagay hanggang sa mga dakilang pangyayari sa mundo at sa kasaysayan nito.”  Magugulat na lang tayo, halimbawa, na napatapos ang isang project kahit walang sapat na halaga, dahil sa Divine Providence. Sabi nga sa Mt. 6:33, “but seek first the kingdom of God, and his righteousness; and all these things shall be added unto you.”

Panalangin: 

Sa hirap ng pamumuhay at dami ng mga pagsubok sa buhay, sa Iyo lamang po Panginoon, nais namin ibigay ang buong pagtitiwala. Palakasin mo nawa kami at bigyan ng kakayahang sumaksi sa kagandahang loob Mo. Tulungan Mo po kaming manalangin at sa biyaya Mo ay laging mamuhay. Amen.