Daughters of Saint Paul

HULYO 12, 2021 – LUNES SA IKA -15 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 10:34 –11:1

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ng tao laban sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang biyenan. At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay.
Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin. At hindi karapat-dapat sa akin ang sinumang hindi nagpapasan sa kanyang krus at sumusunod sa akin. Nawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagpapahalaga nito, at matatagpuan naman ito ng nawawalan ng kanyang sarili. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumatanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sasabihin kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.” Nang matapos si Jesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kabilang sa tinatawag na “hard sayings of Jesus” ang narinig nating ebanghelyo. Masasabing isang mahirap na desisyon ang pagsunod kay Hesus – dahil nangangahulugan ito ng pag-ayon ng ating kalooban sa kung ano ang kalooban ng Diyos. Kadalasa’y kailangan natin magsakripisyo at talikdan ang sariling kagustuhan, lalo na sa ating pakikipag-ugnayan.  Hindi naging madali sa akin ang iwanan ang aking pamilya lalo’t higit ang aking nanay nang magdesisyon akong tumugon sa tawag ni Hesus. Hindi rin madali ang pumiling magsakripisyo upang ituwid ang pamumuhay na  hindi naaayon sa kalooban ng Diyos. Mahirap, kadalasan, masakit. Pero, biyaya ng tunay na kapayapaan at kaligayahan ang handog ng Panginoon sa sinumang nabubuhay ayon sa Kanyang kalooban. Kay Hesus, lakas-loob nating piliing gumawa nang mabuti at tama, nang may malasakit at pagmamahal, hindi lamang para sa iba kundi para sa lahat.//  

PANALANGIN

Salamat po, Panginoong Hesus, sa iyong pagmamahal at pagmamalasakit sa aming lahat sa gitna ng aming mga kahinaan at kasalanan. Tulungan mo po kaming tularan kayo upang sa lahat ng bagay, matuto kaming kumilatis, sundin at gawin lamang ang ayon sa iyong kalooban nang may pananalig, malasakit at pagmamahal hindi lamang para sa iba, kundi para sa lahat. Amen.