Daughters of Saint Paul

Hulyo 12, 2024 – Biyernes sa ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mt 10:16-23

Sinabi ni Jesus sa Labindalawa: “Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay ng parang mga kalapati. Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan n’yo. Ipapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas kayo maliligtas. Kung uusigin kayo sa isang bayan, tumakas kayo at pumunta sa kabilang bayan. Sinasabi ko sa inyo, bago n’yo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.”

Pagninilay:

Mula po sa panulat ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay.

Ngayong mainit ang talakayan tungkol sa diborsyo, talagang para kang tupa sa gitna ng mga lobo kapag nanindigan ka sa turo ng Simbahan ukol dito. Pero, ang diborsiyo nga ba ang tutuldok sa pang-aabuso at pambubugbog ng asawa? Noong nag-aaral pa ako sa Loyola School of Theology ng Ateneo de Manila, naibahagi sa amin ni Fr. Tanseco ang tungkol sa isang sikat na komedyante at girlfriend nito na pumunta sa Center for Family and Life upang humungi na payo ukol sa plano nilang pagpapakasal. Matapos ang panayam sa dalawa, pinayuhan nya sila na huwag munang magpakasal dahil may mga issues pa sa sarili na kailangang ayusin ng komedyante bago ito umako ng lifetime commitment. Sinabihan nya pa sila na kapag itinuloy nila agad ang kasal, mahaba na ang isang taon na hindi sila maghihiwalay. Kaso buntis na pala ang babae kaya itinuloy ang kasal. Tama nga ang sinabi ng pari, bago pa sumapit ang isang taon, naghiwalay na ang mag-asawa. kapatid, wastong kahandaan, at sapat na pagkilala sa sarili at sa future spouse ang tulay sa forever.

Maaari ngang palayain ng diborsyo ang asawang binubugbog, subalit magbibigay ito ng pagkakataon sa nang-aabuso na makahanap ng bagong asawang bubugbugin. Kung minsan may mga personal issues na kailangang tanggapin at ayusin bago pumasok sa isang seryosong relasyon. Sana mas paigtingin ng pamahalaan ang mga institusyong tumutulong sa mga nagbabalak mag-asawa na ayusin ang mga personal issues upang masigurong handang pumasok sa buhay may-asawa ang mga ikakasal. Sabi nga, “An ounce of prevention is better than a pound of cure”.