MATEO 10:16-23
Sinabi ni Jesus sa Labindalawa: “Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay na parang mga kalapati. Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan n’yo. Ipapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas kayo maliligtas. Kung uusigin kayo sa isang bayan, tumakas kayo at pumunta sa kabilang bayan. Sinasabi ko sa inyo, bago n’yo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.”
PAGNINILAY:
Kapanalig, kung isa kang Kristiyanong nagsisikap magpakabanal, magpakabuti at tupdin ang utos ng Diyos sa iyong pang-araw-araw na buhay, masasabing para kang tupa sa gitna ng mga asong gubat. Mapanganib ang mga asong gubat! Handa itong manakmal, manakot at manggulo kung hindi ka sasang-ayon sa kanilang gusto. Nakahanda itong pumatay! Ganito ang kalalagayan ng mga taong nanininindigan laban sa mga paglabag sa karapatang pantao, sa sistema ng korupsyon; sa mga nag-aabuso sa kalikasan; sa mga sumusulong sa kultura ng kamatayan at imoralidad, at marami pang iba. Para silang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. Kung isa man tayo sa mga ito, inaaliw tayo ng Panginoon ngayon na wala tayong dapat ikatakot. Dahil kung isasakdal man tayo dahil sa ating paninindigan sa tama at kung ano ang kalugod-lugod sa Diyos – ang Espiritu ng Ama ang magsasalita sa pamamagitan natin. Sinabi pa ng Panginoon na “Huwag din tayong matatakot sa mga pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa, sa halip katakutan natin ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno.” Mga kapanalig, pawang manlalakbay lamang tayo dito sa mundo. Hindi dito ang tunay nating tahanan kundi sa langit. Lagi nawa nating pagsumikapang gawin ang mga bagay na makapaghahatid sa atin sa Langit; at iwasan ang mga bagay na makapagpapahamak ng ating kaluluwa sa impiyerno.