BAGONG UMAGA
Mapagpalayang araw ng Huwebes mga ginigiliw kong tagasubaybay ng programang ito. Ako po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Sama-sama nating purihin ang Diyos nating Tagapaglikha na nagkaloob sa atin ng lahat ng bagay dito sa mundo nang walang bayad, maging ang ating buhay. Mapahalagahan nawa natin ang Kanyang bawat kaloob, mapaunlad ito at mapagyaman, nang magamit natin sa gawaing paglilingkod at maibahagi rin sa iba nang walang bayad. Ito ang hamon ng Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Mateo kabanata sampu, talata pito hanggang labinlima.
EBANGHELYO: Mt 10:7-15
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit’. Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga may ketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod sapagkat nararapat ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. Pagdating n’yo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at sa kanya makituloy hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok n’yo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal n’yo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa pamamagitan ni Hesus, naghahari na ang Diyos sa mundo. Pero dahil patuloy tayong nakikipagtunggali sa kasalanan, patuloy rin itong nagiging ganap. Gayunpaman, nakasisigurado tayo na sa huli, ang kabutihan at pag-ibig pa rin ang mananaig, dahil napuksa na ni Hesus ang kapangyarihan ng kasalanan at tayong lahat ay tutungo sa buhay na walang hanggan. Mga kapatid, bagama’t hindi tayo kailangan ng Diyos, minarapat Niyang maging kabahagi tayo sa Kanyang misyon, na ipalaganap ang Kanyang paghahari dito sa mundo. Tatanggihan ba natin ang pribilehiyong ito? Nawa’y makipagtulungan tayo sa mga gawain ng Diyos. Dahil sa huli, tayo rin ang maiiwan kung hindi tayo makikipagtulungan sa Kanya. Gamitin natin ang pag-ibig, bilang sandata natin sa paghihiganti sa ating mga kaaway. Pagmamahal ang isukli natin sa bawat pangungutya at pang-aalipusta sa atin ng iba. At ibigay natin ang ating buong sarili, kahit na madamot ang iba. Maging tulad nawa tayo ni Hesus. Maging misyon nawa natin ang misyon niya. Amen.