BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes minamahal kong kapatid kay Kristo. Purihin ang mapagmahal nating Diyos sa pagkaloob sa atin ng panibagong pagkakataon upang makapagpatotoo sa ating pananampalataya. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata sampu, talata labing-anim hanggang dalawampu’t tatlo.
EBANGHELYO: Mt 10:16-23
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay ng parang mga kalapati. Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan n’yo. Ipapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang ninyong matatag hanggang wakas doon kayo maliligtas. Kung uusigin kayo sa isang bayan, tumakas kayo at pumunta sa kabilang bayan. Sinasabi ko sa inyo, bago ninyo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Tina Madrigallos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Ang ebanghelyong narinig natin ay karugtong ng ebanghelyo kahapon at noong makalawa. Ang pagsusugo ng Panginoong Hesus sa mga alagad na ipangalat ang Mabuting Balita. At binigyan pa sila ng kapangyarihang magpagaling ng mga may sakit, ng mga inaalihan ng masasamang espiritu o demonyo, at kahit ang bumuhay ng mga patay. Sa madaling salita, isinugo ni Hesus ang Kanyang mga alagad para sa isang misyon. Pero sa ating ebanghelyo ngayon, nagbibigay ang Panginoon ng mga babala o warning sa kanilang isasagawang misyon. Tunay na hindi madali noon, at kahit sa panahon natin ngayon ang magsalita, tungkol sa katotohanan. Ilan ba sa atin ang naisasantabi o binabalewala, dahil sa pagsasalita ng isang bagay na tama o totoo, dahil hindi ‘yon matanggap ng iba, lalo na ng mga taong gumagawa ng mga bagay na taliwas sa turo ng Diyos? Mga kapatid, sana’y hindi tayo panghinaan ng loob sa pagsasabi ng nararapat, at paggawa ng mabuti sa ating kapwa, kahit na may mga taong hindi sumasang ayon sa atin. Sabi nga ni Hesus, “Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas, kayo maliligtas.” Manalig tayo sa Panginoon. Amen.