Daughters of Saint Paul

Hulyo 14, 2024 – ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mark 6:7-13

Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at isang damit lang. At sinabi niya sa kanila: ”Pagtuloy n’yo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis n’yo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring may-sakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Fr. Kiev Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay ngayon. Maraming nagtatanong sa akin kung kumusta ang buhay pagpapari. Lagi kong isinasagot na maraming konsolasyon mula sa Diyos, masaya ang buhay pagpapari pero hindi madali. Katulad ng bawat isa nakakaranas din kami ng maraming pagsubok at problema. Kung sabagay, hindi naman sinabi ni Hesus na magiging madali ang pagsunod sa kanya. Sa Ebanghelyo natin ngayon tahasang sinabi ni Hesus ang reyalidad ng buhay ng kanyang magiging taga-sunod. “Sinabihan niya sila na ipangaral ang Mabuting Balita at huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at may isang damit lang.” Kailangan nilang manalig sa kanya sa lahat ng pagkakataon. Kung paanong tinanggihan siya, kinamuhian at hindi kinilala ng marami, ganun din ang kanyang magiging taga-sunod. Subalit si Hesus na din ang nagsabi na may higit na gantimpala na naghihintay sa kaharian ng Ama. Lalo na sa mga nanatili, nagsabuhay at nagpahayag ng kanilang pananampalataya. Sa panahon natin ngayon, maraming pagsubok ang maging Kristiyano. Maraming kinamumuhian dahil lang sa kanilang pagtayo sa pananampalataya. Marami ang kina-cancel dahil sa pagsasabi ng katotohanan sa mga sensitibong isyu ng lipunan. Subalit sa kabila nito pinatatatag ang ating kalooban mula sa mga salita ni Hesus. Siya ay tapat sa kanyang mga salita.