Ebanghelyo: Mt 10:34—11:1
Sinabi ni Jesus sa Labindalawa: “Huwag n’yong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ‘ng tao laban sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang biyenan. At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay.’ Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin. At hindi karapat-dapat sa akin ang sinumang hindi nagpapasan sa kanyang krus at sumusunod sa akin. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagpapahalaga nito, at matatagpuan naman ito ng nawawalan ng kanyang sarili. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin din niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.” Nang matapos si Jesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan doon.
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.
Nakaka-shock naman ang mga salita ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon. Imagine, naparito daw Siya “upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan.” Sinabi pa Niya, “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.” Mga kapatid, hindi naparito si Hesus upang guluhin at lituhin ang ating buhay pananampalataya. Bagkus, naparito siya upang ituwid, palakasin, panibaguhin at pag-alabin ang ating pananampalatayang nakaugat, higit sa lahat, kay Hesus, ang buhay na pag-ibig ng Diyos. Ang pagkatao ni Hesus, ang Kanyang mga salita at gawa ang nagpapatotoo na Siya nga ang katuparan ng Kautusan at mga Propeta, ang Diyos ng pag-ibig. Sa araw na ito hinihikayat tayong magtiwala at sumunod sa kalooban ng Diyos. Nais ng Panginoong Hesus na tayo’y pagpalain ayon sa Kanyang kagandahang loob. Nais niyang puspusin tayo ng kanyang pagmamahal. Ano naman ang tugon natin sa Kanya? Handa ba tayong pasanin ang ating krus nang walang reklamo? Ang isabuhay nang taos-puso ang Kanyang bagong utos na tayo’y magmahalan? Ano ang tugon natin sa mga bully? Sa mga taong hindi tumatanggap sa atin? Sa mga makasarili o mga taong laging kumukontra sa atin? Mga kapatid, hayaan nating tulungan at gabayan tayo ni Hesus na harapin ang mga hamon ng buhay. Nawa’y hilumin Niya ang anumang sugat na humahadlang sa atin, upang malaya tayong sumunod at isabuhay ang Kanyang mga aral. Alam Niya ang ating mga kahinaan at walang imposible sa Kanya. Buksan nawa natin ang ating kalooban, upang minsan pa’y buhayin Niya ang Kanyang dakilang pagmamahal sa ating puso. Nawa’y masilayan sa ating buhay, ang mapagmahal at mapagmalasakit na presensya ni Hesus.