Daughters of Saint Paul

Hulyo 16, 2017 LINGGO Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon

 

Is 55:10-11 – Slm 65 – Rom 8:18-23 – Mt 13:1-9

Mt 13:1-9

Umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga.

            At sinabi ni Jesus:  "Lumabas na ang maghahasik para maghasik.”

            “Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!" 

PAGNINILAY

Mga kapatid, para sa mga taga-Israel, kung saan ang lupa’y malimit na tuyo at mabato, ang pagpatak ng ulan, itinuturing na biyaya ng Diyos.  Ayon kay propeta Isaias hindi bumabalik sa Diyos ang ulan “hangga’t di nito dinidilig ang lupa at pinatutubo ang halaman.”  Sa mga halamang ito nagmumula ang mga butil ng kasaganaan.  Katulad ng butil na ito ang Salita ng Diyos na ayon sa propeta, di bumabalik hangga’t di natutupad ang ipinag-uutos ng Diyos.  Bawat Salita ng Diyos, butil at punla ng pag-asa sa mundong balisa.  Laging inihahasik ito ng Diyos sa sangkalupaan na animo’y ulan.  Sa Ebanghelyo ni Mateo na ating narinig, hinahamon tayong payabungin at pagbungahin ang mga Salita ng Diyos na araw-araw nating napapakinggan at napagninilayan.  Walang saysay ang pakikinig sa Salita kung lalabas lamang ito sa kabilang tainga; hindi nananatili sa puso, kaya’t kulang sa pagsabuhay.  Ang ating puso, katulad ng iba’t –ibang lupang pinaghasikan ng Panginoon ng Kanyang Salita:  sa tabi ng daan, sa batuhan, sa dawagan at sa mabuting lupa.  Totoong marami tayong iniisip at pinagkakaabalahan, kaya’t kadalasan nababalewala natin ang Salita ng Diyos.  Ni hindi nga natin ito maalala pagkatapos ng araw.  Kapatid, suriin mo kung paano mong tinatanggap ang Salita ng Diyos sa iyong buhay?  Nagbubunga ba ito ng mabubuting gawa, at katapatan sa pananampalataya sa gitna ng mga pagsubok at pag-uusig na iyong nararanasan sa pagsabuhay nito?  Manalangin tayo.  Panginoon, buksan Mo po ang aking puso at isip sa pagtanggap ng Iyong banal na Salita, at tulungan Mo po akong maisabuhay ito.  Amen.