Daughters of Saint Paul

HULYO 16, 2023 – IKA – 15 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON 

BAGONG UMAGA   

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa ika-labinlimang linggo sa Karaniwang Panahon ng ating liturhiya.  Pasalamatan natin Siya sa isang linggong nagdaan, sa mga biyaya at pagpapala, lalo na sa patuloy Niyang pag-iingat at paggabay sa atin hanggang sa oras na ito.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang/ ihanda na natin ang sarili sa Banal na Misa/ sa pamamagitan ng pagninilay sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata labintatlo, talata isa hanggang siyam.

EBANGHELYOMt 13:1-9

Umalis sa bahay si Hesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang natipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. At sinabi ni Hesus: “Lumabas na ang maghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyot ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga! 

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa Ebanghelyo.  “Ang magtanim ay hindi biro”, sabi ng isang tradisyunal na awitin.  Totoo din ito sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos!  Hindi biro o hindi madali ang magpahayag ng Mabuting Balita dahil hindi ito laging tinatanggap ng mga tagapakinig.  Sa ating Ebanghelyo ngayon, ikinuwento ni Hesus ang talinghaga ng isang magsasaka na naghasik ng mga binhi na napadpad sa iba’t ibang dako. May mga binhing hindi nagawang lumago dahil nahulog sila sa mga lupang hindi mainam para sa mga halaman.  Pero may mga binhing naging mabunga dahil nahulog sila sa matabang lupa, kung saan sapat ang mga sangkap upang lumago ang isang halaman. Mga kapatid, hindi biro ang mga biyayang inihahasik ng Panginoon Diyos para sa atin.  Kaya naman dapat nating pagsikapang gawing “matabang lupa” ang ating puso, isipan at kaluluwa – ang ating buong pagkatao.  Alisin natin ang anumang magiging balakid upang matanggap natin ng maayos ang mga aral ng Ebanghelyo.  Huwag nating sayangin ang mga “binhi” o Salita ng Diyos na itinatanim sa atin.  Magbunga nawa ang mga aral nito sa atin.  Makita nawa ang mga bunga nito sa ating pag-iisip, pananalita at paggawa.