Ebanghelyo: Mt 11:20–24
Sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na sana silang nagsisi nang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, nananatili pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Bro. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay. Tatlong bayan po ang sinasabing kaawa-awa ng ating Panginoong Hesus sa ating Mabuting Balita ngayong araw. Una ang Korazin, ikalawa, Bethsaida, at ikatlo, ang Capernaum. Sila’y tinaguriang kaawa-awa dahilan sa kanilang kawalan ng pananampalataya na siyang sanhi din ng kanilang katigasan ng puso – hindi sila nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Ang malungkot na istorya ay, itong mga bayang binanggit ay pawang mga pinagpala, sa Bethsaida unang tinawag ni Hesus sina Felipe, Andres, at Pedro. Napakaraming beses binanggit ang bayan ng Capernaum sa mga ebanghelyo, lugar kung saan maraming ipinamalas na pagpapaggaling at mga Milagro ang ating Panginoong Hesus. Mas Mabuti pa nga daw ang Tiro, Sidon, at Sodom. Ang bayang Tiro at Sidon po ay port areas, kalakaran. Kaya noong panahon daw ng mga propeta walang taong naniniwala sa mga pahayag ng mga ito lalong lalo na patungkol sa paghuhukom ng Diyos. Ang Sodom naman, sa aklat ng Genesis, ay ang bayang winasak ng Diyos noong panahon ni Abraham dahil sa kanilang pagkamakasalanan.
Ano ang nais ipunto sa atin ng Mabuting Balita? May paghuhukom, at may pananagutan po tayo sa Diyos. Mas mananagot ang mga malalapit sa Diyos at nalalamang maigi ang kanyang mga turo. Mas mananagot ang mga may responsbilidad sa Diyos, silang mga tunay na nakadama ng kanyang paggabay at pagpapala. Kaya nga’t mahalaga yung iisa ang ating bibig, puso, at gawa. Kung ano ang mabuting hangarin ng puso, dapat namumutawi sa bibig, at ginagawa ng ating mga kamay.
Sa pagdiriwang po natin ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Bundok ng Karmel, hingin natin ang kanyang paggabay, upang sa pagsuot natin ng kanyang ibiniling iskapularyo, magawa din natin ang responsibilidad na kaakibat nito—sikapin nating ang ating debosyon ay maging misyon ng ating buhay—tulad ni Mariang, laging bukas—nananagot—sa kalooban ng Diyos. Amen.