Daughters of Saint Paul

HULYO 17, 2018 MARTES SA IKA-15 NA LINGGO NG TAON San Alejo

MATEO 11:20–24

Sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na sana silang nagsisi nang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, nananatili pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”

PAGNINILAY:

Bayang Pilipinas, bayang pinagpala!  Totoo po ito!  Maraming ulit na nating napatunayan ang mahiwagang pagkilos ng Diyos sa ating buhay at kasaysayan bilang isang bayan. Pero sa kalagayan ng ating bansa sa ngayon, kung saan muli na namang nasusubukan ang ating pananampalataya, ang ating paninindigan at mga pagpapahalaga bilang mga Pilipino at Kristiyano, masasabi pa kayang nating Bayang pinagpala ang Pilipinas?  Sa gitna ng mga nasaksihan nating pagpatay sa ating mga kababayan na magpahanggang ngayon hindi pa nabibigyan ng katarungan; sa mga karapatang pantao na niyurakan; sa mga pulitikong walang paninindigan at naging sunod-sunuran maging sa maling kalakaran, maprotektahan lamang ang posisyong pinanghahawakan; at sa walang habas na pagsira ng kalikasan – masasabi pa kaya nating pinagpala ang Bayang Pilipinas?  Sa Ebanghelyo ngayon, nasaksihan natin kung paano tinuligsa ng Panginoon ang bayan ng Corozain at Betsaida. Sa kanilang piling naganap ang maraming mga himala, pero nakapagtatakang hindi pa rin nila nakilala ang kanilang Diyos.  Nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang malagim at makasalanang pamumuhay.  Bayang Pilipinas, bayang pinagpala!  Maraming beses na rin nating nadama ang pagkalinga ng Maykapal, ang pag-adya Niya sa atin sa maraming sakuna, pero ang tanong:  Tunay bang nakikilala ng ating bayan ang Panginoon?  Ang pagsasawalang-kibo sa gitna ng karahasan at kawalang katarungan, ang pagsang-ayon sa mga sistemang pumapabor sa diborsiyo; sa kalakaran ng pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa droga; sa sistema ng korupsyon at immoralidad.  Natutuwa kaya ang Diyos na makita ang ating bayan sa ganitong kalagayan?  Mga kapanalig, kung hahayaan nating mamayagpag ang ganitong kalakaran, tayo din, tutuligsain ng Panginoon sa panahong Kanyang itinakda.  Nawa’y buksan natin ang ating puso at isipan sa mga turo ng Banal na Espiritu at tulungan nawa Niya tayong lubusang makilala ang ating Panginoong Jesus at magpasakop sa Kanyang mga turo.