MATEO 11:25-27
Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita, Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, nababatid ba natin na ang ating pananampalataya bunga ng kagandahang loob ng Diyos? Isa itong dakilang biyaya mula sa Diyos. Ito ang tinutukoy ng Panginoong Jesus sa Kanyang pagbibigay-puri sa Diyos Ama. Narinig natin Siyang nagpupugay sa Ama dahil inilihim ng Ama ang mga natatago sa mga pantas at matatalino upang isiwalat lamang sa mga mangmang at mga maliliit. Sa bahaging ito ng Ebanghelyo, nasusumpungan natin kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pananampalataya. Maraming nagsasabing ang pananampalataya, pagpaubaya ng sarili sa kamay ng Diyos. Ito’y lubos na pagtitiwala sa kagandahang loob ng Diyos. Na kahit anong mangyayari hindi tayo pababayaan ng Diyos dahil Siya ang may ganap na kontrol sa ating buhay. Ito din ang nagpapalakas sa atin para huwag sumuko sa gitna ng mga pagsubok na dinaranas sa buhay. Pero higit sa anupaman, ang pananampalataya, paglalahad ng paanyaya ng Diyos sa taong lumalayo sa Kanya. Ang pananampalataya, pag-anyaya ng Diyos na muling makasama ang taong naligaw ng landas. Ang pananampalataya, kagandahang-loob ng Diyos, pagkukusa Niyang tayo’y makasama hanggang wakas. Nagbibigay papuri si Jesus sa Ama dahil ang Amang ito’y nagpakababa upang salubungin at sunduin ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng paglalahad ng mga natatago sa pantas para sa mga maliliit. Manalangin tayo. Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya nang huwag akong sumuko sa pagharap ng mga pagsubok sa buhay. Nananalig po ako na hindi Mo ako susubukin nang higit sa aking makakaya. Dahil sa bawat pagsubok na nararanasan ko, nandidiyan din ang Iyong biyaya na nagpapalakas sa akin. Pag-alabin Mo po ang ningas ng apoy ng Banal na Espiritu sa aking puso nang lagi akong manalig sa Iyong dakilang pagmamahal sa akin. Amen.