EBANGHELYO: Mk 6:30-34
Pagbalik ng mga apostol kay Hesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman niya sa kanila: “Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa sa kanila. Pagdating ni Hesus sa pampang, nakita niya ang maraming tao na nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Oliver Mary Vergel Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Nahahabag ka pa ba sa mga nangyayari sa ating mundo ngayon? O katulad ka na rin ng karamihan na sawa na sa mga paulit-ulit na masalimuot na pangyayari sa ating paligid, kaya ikinikibi’t balikat mo na lamang ang mga ito?// Ngayong panahon ng pandemya, kung saan normal na ang magkasakit at mahawaan ng sakit, parang normal na rin ang pandirihan natin ang ibang tao at normal na rin na hangga’t maari ay hindi tayo nakikialam sa mga bagay na hindi naman tayo direktang apektado. Halimbawa, maglalakas loob ka bang lumapit at magbigay ng tulong sa mga taong alam mong may sakit? Nakakadama ka pa ba ng awa sa mga taong pinapatay nang walang hustisya? O natatakot ka lamang para sa iyong sariling kaligtasan?// Maganda ring tanungin natin ang ating sarili sa mga bagay na ito: Nakadarama pa ba ako ng awa para sa iba? Kaya ko pa bang tumulong sa mga taong hindi ko kakilala, pero alam kong pinagkaitan sa buhay? Nasubukan ko na bang magmahal ng sukdulan para sa mga taong hindi nabibilang sa aking mga kaibigan?// Mga kapatid, nasa kaibuturan ng ating pagiging Kristiyano ang pagiging maawain sa ating kapwa. Dahil ang awa ay nagmumula sa pag-ibig, pag-ibig din ang nagtutulak sa atin na bigyan ng aksyon ang ating awa. Hindi totoo ang pagmamahal kung puro lamang ito pakiramdam, bagkus, inuudyok tayo ng awa na kumilos at ibigay ang sukdulan ng ating pagmamahal.
PANALANGIN
Ama, udyukin nawa kami ng iyong pag-ibig na patuloy kaming maging instrumento ng iyong mapagmahal na awa sa mga taong nangangailangan. Amen.