BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes mga ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Dakilain natin ang Panginoong Diyos sa biyayang maranasan muli ang Kanyang walang-hanggang paglingap at pagmamahal. Itaas natin sa Kanya ang mabubuting hangarin natin para sa araw na ito at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Matutunghayan natin ang pagtuligsa ni Hesus sa mga bayang ginawan Niya ng himala, pero hindi nagbagumbuhay/ sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata labing-isa, talata dalawampu hanggang dalawampu’t apat.
EBANGHELYO: Mt 11:20–24
Sinimulang tuligsain ni Hesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, nagsisi sana silang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, narito pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Clark Vincent Ga-as ang pagninilay sa ebanghelyo. Karaniwan, sinisita tayo parati ng mga magulang dahil sa katigasan ng ulo natin. Bakit? Dahil hindi tayo sumusunod sa mga inuutos at mga sinasabi nila. Ganun din, sinisita ng mga guro o mga professor ang mga estudyante na walang nai-ambag sa mga group project. Binibigyan ng gradong mababa, kesa sa mga mag-aaral na itinotodo ang effort sa mga gawain. Mga kapatid, naligaw man tayo ng landas, pero hindi kailangan ang mabibigat na mga parusa. Ang kailangan natin ay may malasakit na pagtutuwid sa ating mga pagkakamali, upang lumaki tayong isang mabuting tao. Ganun ang ginawa ng Panginoong Hesus sa narinig nating Mabuting Balita ngayon. Binigyan niya ng pagkakataong magbago ang bayan ng Corazin at Betsaida, pero nanatili sila sa paggawa ng kasalanan ang hindi kinakitaan ng pagsisisi. Kapatid, maka-ilang beses ka na bang binigyan ng Panginoon ng chances o panibagong pagkakataon upang baguhin ang ugali mo na taliwas sa kanyang kalooban? Ilang beses ka na bang pinagaling sa sakit, iniligtas sa aksidente, naka-recover sa matinding problema – upang pagkatapos nito, you’ll come out as a better person, always grateful to God for everything that He has blessed you with. Sa araw na ito, inaanyayahan ka ng Panginoon na magbalik-loob, pagsisihan ang mga nagawang kasalanan, at buong pagpapakumbabang lumapit sa Sakramento ng kumpisal, upang ihingi ng kapatawaran ang mga nagawang kasalanan, Amen.
PANALANGIN
Panginoong Hesus, tulungan Mo po akong pagsisihan ang aking mga kasalanan. Nawa’y lagi kong tanggapin ang Iyong mga Salita nang may pag-ibig, at maisabuhay ito sa tulong ng Iyong Banal na Espiritu. Baguhin Mo po ako upang maging kalugod-lugod Sa’yo, at gamitin Mo po ako, ayon Sa’yong layunin, Amen.