Daughters of Saint Paul

Hulyo 18, 2024 – Huwebes sa ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mt 11:28-30

Sinabi ni Jesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin n’yo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”

Pagninilay:

Mula po sa panulat ni Sr. Gemma Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.  Ang mga napapagal, ang mga nabibigatan ng pasanin ay makasusumpong ng kapahingahan ng kaluluwa. Ito ang pangako ng ating Hesus Maestro. Sa ipinamalas ng ating Panginoon na buhay-paglilingkod at kababaang-loob, pinatingkad Niya ang dangal ng mga maralita at mga biktima ng sakit ng lipunan. Binigyan Niya sila ng pansin, pinagaling, pinakain, tinawag na maging kaibigan at alagad. Sa kasalukuyan,  nagsusumikap din ang ating Inang Simbahan na doblehin ang commitment sa mga mahihina, at sa mga walang kapangyarihan. Sila ang mga biktima ng malubha at láganap na  karahasan. Inisa-isa ito sa bagong pampastoral na pangaral tungkol sa hindi  masukat na dangal na taglay ng bawat tao. Ito ang Dignitas Infinita. Binanggit dito ang mga nakararanas ng sobrang hirap dulot ng kapwa. Tulad ng pagmamaltrato sa mga migrante, human trafficking, digmaan, sexual abuse, violence against women, pagwalang-bahala sa mga may kapansanan, digital manipulation, exploitation at violence, pagpatay dahil sa maling konsepto ng awa. Kahit ang mga sanggol sa sinapupunan, kabilang sila sa may dangal na nauuwi sa abortion o sa surrogacy na nabubuo hindi mula sa  bahay-bata ng sariling ina. Nilinaw din sa Dignitas Infinita ang paninindigan ng Simbahan na isang paglabag sa dangal ng tao ang pagpalit ng kasarian. Oo, hinandugan tayo ng Diyos ng kalayaan. Sa palagay n’yo, sa mga láganap na paglabag ng ating dignidad, tama kaya ang paggamit ng kalayaan? Nasabi rin sa Dignitas Infinita na ang Kalayaan daw ay isang marvelous gift of God. Pero guguho ito kapag hindi na tayo naniniwala sa “objective truth”. Ano ang Objective truth? Hindi ito impluwensya na mula sa sariling pananaw kundi nakabatay ito sa kung ano ang God’s design para sa atin. Kung hindi tayo susunod dito, ito ang magiging pasanin natin.  Kaya’t stick tayo kung ano ang dapat, para hindi na tayo magbuhat ng mabigat.