Ex 3:1-6, 9-12 – Slm 103 – Mt 11:25-27
Mt 11:25-27
Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita, Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo.
Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”
PAGNINILAY
Sino ba ang matatalino at marurunong na tinutukoy ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo? Bago natin maintindihan ang nais sabihin ng Panginoon, dapat muna nating malaman ang pagkakaiba ng karunungang nagliligtas at ng karunungang nagpapahamak. Ang karunungang nagliligtas, yaong nanggagaling sa kababaang-loob. Sa kabila ng pagiging maraming alam nananatili siyang simple, mababang-loob at magaling makitungo sa kapwa. Samantalang ang nagpapahamak na karunungan, yaong nag-uugat sa kayabangan at pagmamalaki. Di na kinikilala ang Diyos bilang pinanggalingan ng kanyang karunungan at tagumpay, at inaako niya na dahil sa kanyang pagsisikap kaya siya’y nagtagumpay. Mga kapatid, nais kong linawin na hindi itinatakwil ni Jesus ang kakayanan ng taong maging marunong at matalino. Ang tinutuligsa lamang ni Jesus, ang pagiging mapagmataas ng tao sanhi ng kanyang karunungan. Hindi kasalanan ng tao ang maging matalino, para siya’y mapahamak. Hindi rin naman kasiguraduhan sa tao na ligtas na siya dahil lang sa kawalan niya ng kaalaman. Pinapaalalahanan lamang tayo ng Ebanghelyo na matalino man tayo o mangmang, kung tayo’y mapagpakumbaba, ililigtas tayo ng Poong Maykapal. Dahil ang mababang loob lang ang maaaring tumanggap sa katotohanang ang Diyos lang ang makapagliligtas sa lahat. Panginoon, gawin Mo po akong mababang loob. Matanto ko nawa na walang saysay ang katalinuhan kung gagamitin ko ito sa kasamaan, at lalo na kung kapos ako sa pagmamahal. Marapatin Mo pong gamitin ko nang may kababaang loob ang lahat ng biyayang kaloob Mo sa akin. Amen.
