Daughters of Saint Paul

HULYO 19, 2020 – IKA-16 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (A)

EBANGHELYO : Mt 13:24 –30

Binigyan ni Jesus ang mga tao ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masasamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis. Nang tumubo ang mga tanim at nag-simulang mamunga ng butil,  naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabu-buting buto ang inihasik mo sa bukid, saan galing ang mga damo? San nga ba galing ang mga damo?’ Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng ka-away.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo? Oo nga bubunutin ba namin?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.”

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul.  Ang Mabuting Balita sa araw na ito ay pagpapaalala sa realidad ng kasamaan na walang tigil sa pakikipag-bunong braso sa kabutihan dito sa mundo. Kung may “Team Kabutihan,” buhay na buhay din ang “Team Kasamaan.” Halimbawa lang bukod sa napakaraming kasamaan na nararanasan at nasasaksihan natin, ang pinakamatindi ay itong mapinsalang pandemyang Covid19 na apektado ang lahat — ang buong mundo. Dumating tayo sa puntong walang kasiguruhan ang bukas. Pero, habang nangyayari ito, may isa pang nangyayari… ang  paglago sa puso ng tao ng pakikipag-kapwa, pagsasantabi ng sarili at pagbibigay sa iba, lalong pagpapahalaga sa buhay, oras, pamilya at higit sa lahat ang paglago sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. Mga kapatid, isipin na lang natin na ang mundo natin ngayon ay ang malawak na bukid na tinutukoy sa talinhagang narinig natin, kung saan tayo ay inaalagaan para tumubo. Dinidiligan ng grasya at patuloy na inaanyayahang tumugon sa paggawa ng kabutihan sa gitna ng pakikipagsabayan ng kasamaan… Kaya’t lalo nating pagtibayin ang tiwala sa Diyos na siyang nakakaalam kung ano ang nakakabuti sa ating lahat. Sabi nga… “Tiwala lang!” si Lord ang bahala.