EBANGHELYO: Mt 12:38-42
Sinabi ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” Sumagot si Hesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung papaanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao. Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagumbuhay sila sa pangangaral ni Jonas. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ang mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ayon kay San Ignacio de Loyola: “Sa mga taong naniniwala, hindi na kinakailangan ng tanda; pero sa mga taong hindi naniniwala, hindi sapat kahit anong tanda.” Nakagawian mo rin bang humingi ng tanda mula sa Diyos bago ka gumawa ng desisyon? Sa ebanghelyo ngayon, natunghayan natin na si Hesus ang tunay at buhay na tanda ng walang hanggang pagmamahal at awa ng Ama sa atin. Kaya lang minsan, nagiging demanding tayo sa paghingi ng tanda, gusto natin, agad-agad, instant answers sa ating prayers ang nais natin, kaya malabong makita ang mga tunay na tandang kaloob sa atin araw-araw. Kapatid, nasa gitna man tayo ng krisis, nariyan pa rin ang pagpapala ng Diyos: may pagkain sa mesa, ligtas sa kapahamakan, mabuting kalusugan, mapagmahal na pamilya at marami pang iba – mga tanda ito ng dakilang katapatan ng Diyos. Kaya sa halip na magreklamo sa matagal na pagtugon ng Diyos sa iyong kahilingan, bilangin mo kung kaya mo ang lahat ng mga pagpapalang ipinagkakaloob sayo ng Diyos araw-araw at itanong sa sarili, sa paanong paraan kaya ako nakakapagpasalamat sa lahat ng ito? Paano din kaya ako maaaring maging tanda ng pag-big ni Hesus sa mga taong nakapaligid sa akin? Mga kapatid, tumugon tayo sa hamon ng ebanghelyo na maging tanda din ng tunay na malasakit at pag-ibig ni Hesus sa lahat.//
PANALANGIN
Panginoong Hesus, sorry po sa mga pagkakataong hindi ako nakapagpasalamat sa iyong mga kaloob sa akin dahil hindi ko po ito binigyang pansin. Ganunpaman, salamat pa rin po dahil hindi po kayo nagsasawang ibuhos ang iyong pagpapala sa akin at sa aking pamilya araw-araw, tanda ng iyong dakilang pag-ibig. Tulungan niyo po kaming maging tanda din ng iyong pagmamahal sa bawat isa. Amen.